Matapos ang maikling bakasyon sa Europe kasama ang kaniyang asawa at anak, masayang ibinahagi ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera na excited na siya para sa kaniyang bagong proyektong "Tadhana."
Inilahad ni Marian sa isang press conference nitong Biyernes, na nagagalak siyang maging bahagi ng isang programang tatalakay sa buhay ng mga OFW.
Inamin din ni Marian na tinanggap niya ang proyekto dahil lumaki rin siya na malayo sa kaniyang ina na nagtrabaho sa ibang bansa.
Marian Rivera says one of the reasons she said yes to "Tadhana" is because of her mom, who worked overseas pic.twitter.com/aKchicKARq
— Aya Tantiangco (@ayaruim) May 19, 2017
"Isa sa mga dahilan kung bakit tinanggap ko rin 'to dahil malapit sa akin ang kuwentong na 'to, bilang ang nanay ko ay nasa ibang bansa rin para magtrabaho para sa akin," aniya.
"So nakaka-relate ako dito, especially n'ong ginagawa na namin yung mga episode na nag-spiels na ako, parang ang sarap ibahagi sa mga tao yung mga [kwento ng] kababayan nating nagsasakripisyo para sa pamilya nila na hindi talaga biro," patuloy ng Kapuso Primetime Queen.
Dagdag pa ni Marian, "Ako mismo sa sarili ko, naranasan ko 'yan. Lumaki ako na wala si mama sa tabi ko, pero may dahilan. Kailangan niyang magtrabaho para sa akin, para sa sarili niya."
Gayunpaman, hindi naman daw puro drama ang mga kuwentong kanilang ibabahagi, "Hindi puro iyakan lahat! Halos lahat positive naman, naging successful naman."
Marian: Dapat bawat tao nirerespeto. Wala tayo sa posisyon para humusga. pic.twitter.com/sL0dBiLglE
— Aya Tantiangco (@ayaruim) May 19, 2017
Paliwanag pa niya, "Iba-iba talaga 'yong kapalaran ng tao, na dapat bawat tao talaga nirerespeto natin. At kung hindi natin alam kung bakit nandoon [sila], parang wala tayo sa lugar o posisyon para husgahan sila."
Mapapanood na simula sa Sabado, May 20 ang "Tadhana" sa GMA Network.
Tatalakayin sa unang episode ang dinanas na kalupitan ng isang Pinay OFW sa kamay ng kaniyang malupit na dayuhang amo.
Pangungunahan ito nina Kris Bernal, bilang OFW, at si Cherie Gil naman ang gaganap na dayuhang amo.
-- FRJ, GMA News
