Hindi ikinaila ng 28-anyos na Kapuso star na si Kris Bernal na patuloy siyang nangangarap na balang araw ay makatatanggap din siya ng acting award.
Sa artikulong isinulat ni Rachelle Siazo sa PEP.ph nitong Sabado, sinabi ni Kris na umaasa siyang magkakaroon ng katuparan ang kaniyang pangarap sa dual role na kaniyang gagampanan sa remake ng "Impostora."
"Umaasa rin ako sa role na ito kasi bida-kontrabida siya. So, pinagbubutihan ko kasi gusto ko makita ng tao yung difference ng dalawa,” anang aktres.
Gagampanan ni Kris ang role ng kambal na sina Nimfa at Rosette.
Nang unang ipinalabas ang "Impostora," ang naturang kambal na karakter ay ginampanan ng dalawang aktres na sina Iza Calzado at Sunshine Dizon.
Kaya naman pinagbubutihan daw ni Kris na maipakita ang kaibahan ng dalawang kambal ngayon siya lang ang gaganap sa dalawang karakter.
“Pareho yung mukha, di ba? Kung pareho yung acting, e, di wala na, pangit na," saad niya.
Bilang kontrabidang si Rosette, sinabi Kris na ginamit niyang "peg" ang batikang aktres na si Cherie Gil, na nakasama niya sa isang episode ng programang "Tadhana."
“Si Ms. Cherie Gil yung peg ko for Rosette, medyo close dun kasi very class and very poised," paliwanag ni Kris.
Samantalang sa role ni Nimfa, “Si Ms. Sunshine kasi pwede ko siya i-peg kay Nimfa."
Bagaman sanay na umano si Kris na karakter na inaapi at pinaiiyal gaya ni Nimfa, aminado siya na magiging challenge sa kaniya kapag naging matapang at palaban na ito.
“Pero yung maging matapang, yun yung medyo shucks, alanganin ako,” ayon pa kay Kris.
Makakasama ni Kris sa "Impostora" na ipalalabas na sa susunod na buwan sina Rafael Rosell at Ryan Eigenmann. -- FRJ, GMA News
