Kabilang ang dating aktres na si Azenith Briones sa mga naghahanap sa kanilang mahal sa buhay na nawawala sa nangyaring pag-atake ng armadong lalaki sa Resorts World Manila. Ang Kapuso actor na si Martin Del Rosario nasa naturang gusali rin nang makarinig ng mga putok ng baril.
Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, umiiyak si Azenith na nagsalita sa media kaugnay sa paghahanap sa kaniyang asawa na si Eluterio Reyes.
Ayon kay Azenith, guest sa hotel at dating bumida sa pelikulang pelikulang "Temptation Island," lumabas lang siya para bumili ng pagkain bandang hatinggabi nang mangyari ang pag-atake ng armadong lalaki.
"Yung asawa ko, twelve o'clock pa ng madaling araw nangyari up to now wala masabi," hinanakit ng aktres. "Sabi nila walang casualty, nagtataka ako yung asawa ko kahit tawag wala tapos ngayon para kaming nanghuhula."
Sa listahan ng mga pangalan ng mga nasawi, may nakalagay na isang Eluterio Reyes.
Nasawi si Elizabeth Gonzales, maybahay ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales.
LOOK: Resorts World releases list of 36 persons killed in attack
Ang aktor na si Martin Del Rosario, nanood daw ng sine at nagtungo sa comfort room nang makarinig ng dalawang putok ng baril.
"From the second floor, pak! pak!, may narinig akong dalawang putok. Tapos nagsigawan yung mga tao, may mga nakatago dun sa gilid," kuwento ng aktor na mula sa ikaapat na palapag at nagtungo sa ikatlong palapag para magpunta sa comfort room.
Nang magtanong umano sila sa guwardiya tungkol sa narinig ng putok ng baril, sinabi umano ng guwardiya na mayroon lang lasing na namaril ng signage.
Hinihinala niya na posibleng sinabi iyon ng guwardiya para hindi magpanic ang mga tao dahil marami na ang nagtatanong.
Maliban sa salarin na sinunog umano at binaril ang sarili, ang mga biktima ay nasawi dahil sa suffocation o pagkakalanghap ng usok dulot ng sunog na ginawa ng salarin.
Ilan naman sa mga nasaktan ay nasugatan dahil sa basag na salamin o bali sa katawan matapos silang tumalon mula sa bintana sa second floor ng hotel-casino. -- FRJ, GMA News
