Maraming Pinoy ang nahuhumaling sa mga Koreanovela dahil sa nahahawig daw ang mga kuwento nito sa tunay na buhay.
Sa lalawigan ng Aurora, isang mag-ina ang nakilala ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," na may mala-Koreanovela na kuwento ng buhay na wala pang ending. At kasama sa kanilang istorya ang amang Koreano at dalawa pang anak na nasa Korea.
Sa pamamagitan ng mensahe ng 16-anyos na si Jayson Lee, natuklasan ng "KMJS" ang istorya ng buhay nila ng kaniyang ina na si Felicidad "Ging-ging" Reyes, sa Dingalan, Aurora. Kabahagi nito ang paghahanap nila sa dalawa niyang kapatid na nasa Korea, at nasa pangangalaga ng kaniyang ama.
Ayon kay Felicidad, nakilala niya ang kaniyang asawang Koreano na si Lee Sang Soo, noong 24-anyos pa lang ito at nag-aaral sa Pilipinas ng wikang Ingles.
Ang kanilang pagiging magkaibigan, nauwi sa pagmamahalan at nagbunga ng tatlong supling-- ang panganay na si Lee Seung Hee, sumunod si Lee Jin Hee, at ang bunsong si Jayson.
Kahit tutol daw sa kaniya ang mga magulang ni Sang Soo, dinala siya ng asawa sa Korea at nagsama.
Doon isinilang ang dalawa niyang anak na sina Seung at Jin.
Pero gaya ng ibang pagsasama, hindi nawala ang kanilang pagtatalo. Pero sa tuwing umaalis daw si Felicidad ng kanilang bahay at bumabalik sa Pilipinas, humihingi raw ng tawad si Sang Soo at muli siyang dinadala sa Korea.
Ngunit naging masalimuot daw ang kanilang relasyon nang ipinagbubuntis niya si Jayson na nais daw ipalaglag ng pamilya ng mister bungan ng paniwala nila na malas ang sunod-sunod na anak na lalaki.
Dito na raw nagpasya si Felicidad na bumalik na muli ng Pilipinas. At sa pagkakataong ito, hindi na raw siya pinuntahan ng asawa para suyuin at ibalik sa Korea.
Kaya naman sa paglipas ng panahon, mag-isa nang pinalaki ni Felicidad ang bunso na si Jason, na 16-anyos na ngayon, na hindi nasilayan ang kaniyang amang si Sang Soo.
Noong 2008, nagagawa pa raw makausap ni Felicidad ang dalawa niyang anak na sina Seung, 25-anyos na ngayon at si Jin, na 24-anyos.
Pero mula raw nang lumipat ng tirahan ang kaniyang mister kasama ang mga anak, nawala na raw siya ng komunikasyon sa mga anak.
Malaki man ang tampo ni Jason sa ama, namamayani pa rin sa puso niya ang pananabik na makilala at makita ang ama, at ang dalawang kapatid.
Nais naman ni Felicidad na humingi ng patawad sa dalawa niyang anak na kaniyang iniwan sa Korea at lumaki nang hindi siya kapiling.
Sa pamamagitan ng mga ibinigay na impormasyon ng mag-ina, lumapit ang "KMJS" sa Korean embassy para mahanap ang kinaroroonan ng mag-aama sa Korea pero hinihintay pa ang tugon ng embahada.
Kaya naman wala pang ending ang kuwento ng mag-inang Felicidad at Jayson, at dapat abangan kung ano ang posibleng maging susunod na kabanata ng kanilang istorya.
Panoorin ang buong episode ng "KMJS" tungkol sa kuwentong ito:
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News
