Ipinaliwanag ng Pambansang Bae na si Alden Richards na kaligtasan ng fans at pati ng sarili ang dahilan kaya nagmadali siyang umalis sa isang mall sa dinaluhang event sa Antipolo kamakailan. Sinagot din ng aktor ang mga intrigang mayroon na siyang anak.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Alden na nagpasya siyang umalis kaagad ng mall nang makita niyang nagsisikan na ang mga tao at nagkakaroon na ng umpukan sa kaniyang dadaanan palabas.
"Nagsisiksikan ang mga tao and medyo open naman yung area pa exit so that's the reason why [na] para hindi na lang magtagal yung ganung scenario, kasi baka mas marami pa yung masaktan that time kung hindi ko inalis yung sarili ko," paliwanag niya tungkol sa dinaluhang meet and greet event nitong weekend.
Nagpasalamat naman si Alden at tiniyak na maayos ang kaniyang kalagayan sa mga fans na nag-alala sa kaniya dahil sa nangyari.
"Don't worry as long as walang nasaktan during that time," aniya.
Sinagot din ni Alden ang post ng isang netizen na nag-aakusang may anak daw siya sa pagkabinata.
Malinis daw ang kaniyang konsensiya na wala siyang itinatagong anak.
Ayon pa kay Alden, mas gusto niyang mag-focus sa kaniyang trabaho tulad ng paghahandang ginagawa sa bagong proyekto na ipo-produce uli ng GMA News and Public Affairs.
Dumalo si Alden sa story conference kasama ang production team at na-challenge daw siya sa kaniyang bagong proyekto.
"Gusto ko yung story, gusto ko yung direktor and challenging, very challenging. Prang one for the books uli as portfolio ko bilang aktor," saad niya.
Samantala, nakatakdang bumiyahe papuntang Amerika si Alden para dumalo sa selebrasyon ng "Fiesta Ko Sa Texas" na gaganapin sa Agosto 13. -- FRJ, GMA News
