Bago pa man lumabas sa iba't-ibang shows, bata pa lamang si Lovely Abella ay mahilig na siyang umarte sa harap ng salamin.
At ang kanyang paborito: Drama!
Kaya naman hindi niya inakala na sa comedy siya babagsak.
Una siyang nakilala bilang isa sa mga "Just For Kikays" girls ng dating comedy show ng GMA na "Bitoy's Funniest Videos."
Natutuwa pa si Lovely na ikuwento ang ilan sa mga "pambibiktima" niya sa mga walang kamalay-malay.
Higit naman siyang nakilala bilang dancer sa mga game show ni Willie Revillame, at naging host pa kasama sina Mariel Rodriguez, Shalani Soledad, at Grace Lee.
Nagtuloy-tuloy pa siya sa paglabas sa telebisyon hanggang sa mapasama siya sa GMA variety show na "Sunday PinaSaya", na itinuturing niyang biggest break.
Saad ng fellow comedian na si Mike 'Pekto' Nacua, "Dahil bago nga siya, nakikipagsabayan siya, minsan lumalagpas pa nga siya sa energy namin. Nagugulat na lang kami, 'Whoa! Ang taas mo ah!' Pero masaya siyang kasama. Sobrang jolly person niyang si Lovely."
Lumabas na rin si Lovely sa "Conan My Beautician," "D' Originals," at naging regular sa "Bubble Gang."
Nag-eenjoy man sa kaniyang pagpapatawa, nangangarap pa rin si Lovely na magbalik sa drama at makamit ang dream role niya na magtaray at maging kontrabida.
"Tipong ako pa 'yong mas matapang," aniya.
Panoorin ang kwento ni Lovely sa "Tunay na Buhay." — Jamil Santos / AT/KVD, GMA News
