Sa kaniyang pagbabalik-Kapuso, makakasama ng aktor na si Marvin Agustin, ang tambalan nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali, na bibida sa bagong GMA primetime series.

Sa kaniyang Twitter, sinabi ni Marvin na nasa proseso na siya ngayon ng pag-aaral ng kaniyang role sa bago niyang proyekto.

"Happy Thursday!!! My script just arrived and will study the new role. #NewSoap #Actor" caption ni Marvin.

 

 

Una na ring inanunsiyo ni Marvin na dadalo siya sa isang story conference kung saan bago raw ang kaniyang character.

 

 

"Maganda nga 'yung project, exciting 'yung role so something na masarap gawin," sabi ni Marvin sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes.

Makakasama ni Marvin ang Kapuso love team nina Miguel at Bianca, na balik-primetime rin matapos ang "Mulawin vs. Ravena."

May supernatural na aspeto raw ang kuwento ng bago nilang serye.

Handa na raw ang BiGuel na gumawa ng mas mature na mga role.

Hindi na muna sila nagbakasyon sa Undas para paghandaan nila nang husto ang bago nilang proyekto.

"It will be kung paano siguro namin ide-deliver yung character, it's not going to be 'yung magaan-gaan lang," sabi ni Bianca.

"Saka everytime naman na may bagong character kami ni Bianca, we make sure na iba 'yung nakikita nila para may pagkakaiba 'yung character ni Pagaspas sa character ni ganyan para mas naiintindihan po nila 'yung story and 'yung hugot ng character," sabi ni Miguel.

Mga bigating artista ang makakasama ng BiGuel sa pangunguna ng veteran actress na si Gloria Romero, Jean Garcia, Carmina Villaroel, Congressman Alfred Vargas, Gardo Versoza at si Christopher de Leon.

"'Yung mga artistang hindi pa po namin nakakatrabaho before, makakatrabaho po namin ngayon and it's such a privilege dahil marami po kaming matututunan sa kanila.

Kasama rin sa cast sina Jeric Gonzales, Pauline Mendoza at ang baguhang si Kyline Alcantara na magiging kontrabida at ka-love triangle ng BiGuel.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News