Matapos lumabas sa OFW drama anthology na "Tadhana," ngayon naman ay naghahanda na ang bagong Kapuso actor na si Matt Evans sa upcoming GMA primetime series na pangungunahan ng tambalan nina Ruru Madrid at Gabbi Garcia.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nakapag-guest na rin si Matt sa iba't ibang GMA shows tulad ng "Celebrity Bluff," "Sunday PinaSaya" at "Pepito Manaloto," kung saan ipinakita niya ang kaniyang wit and humor.
Sa isang panayam, inihayag ni Matt ang paghanga kay Michael V ng "Pepito Manaloto" dahil sa husay ng Kapuso actess comedian sa pagpapatawa.
"Na-startruck ako kay Kuya Bitoy (Michael V)," pag-amin niya sa programang "Tunay Na Buhay." "Kasi bata pa lang po ako napapanood ko na po. Tapos yung nakatrabaho ko siya, sabi ko nga sarili ko parang, 'Ang hirap pa lang mag-comedy.'
Parang yung tingin ko sa sarili ko, pinipilit kong magpatawa, eh sila (sa 'Pepito') parang wala, konting nuance lang nakakatawa na."
Inihayag naman ni Matt na hamon sa kaniya ang maging kontrabida sa kaniyang unang teleserye bilang Kapuso.
"Sobrang excited lang po talaga du'n sa role na ibinigay po nila ngayon kasi challenging po talaga, at maraming ikot na mangyayari sa story na nakadikit sa character ko. Pa-kontrabida po ako," sabi ni Matt.
Unang napanood si Matt sa isang reality show noong 2006.
Naging kontrabida, komedyante, at dramatic actor na rin siya sa iba't-ibang proyekto. Ngunit ang pagiging asawa at ama raw ang pinakapaboritong role ni Matt.
At ang payo niya, "Huwag lalaki ang ulo, ang paa laging nasa sahig lang. Kung magtatrabaho ka, ibigay lang lahat ng the best mo."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
