Tungkol sa tatlong magagandang babae at sa nag-iisa nilang ex-boyfriend ang kuwentong itatampok sa bagong kagigiliwang romantic-comedy series ng GMA na, "The One That Got Way."

Malalaman sa kuwento kung handa ba ang tatlong babae na maging kaibigan ang isa't-isa, o ipaglalaban nila ang kanilang nararamdaman sa lalaking nagpatibok ng kanilang puso.

Sa media presentation nitong Huwebes ng gabi, nagkaroon ng mini concert matapos magtanghal ang cast members ng serye na pangungunahan nina Dennis Trillo, Rhian Ramos, Max Collins at Lovi Poe.

Gaganap si Lovi sa role ni Alexandra Rey "Alex" Makalintal, isang babaeng independent, family-oriented at career-driven. Bagay sila ng boyfriend niyang si Liam (Dennis) pero inuna niya ang career nang alukin siya ng kasal.

 

 

Si Max naman ang ikalawang girlfriend ni Liam bilang si Darlene "Darcy" Sibuyan. Naging magkaibigan sila ni Liam hanggang sa ma-in love sa isa't-isa. Ngunit kukunin ni Darcy ang isang oportunidad sa abroad at hanggang sa magkakalabuan sila ni Liam.

 

 

Gagampanan naman ni Rhian si Sophia Elizabeth "Zoe" Velasquez, isang swimwear designer at blogger na palaging naghahanap ng kasiyahan. Naghiwalay ang mga magulang niya sa murang edad kaya magiging pamilya ang turing niya kay Liam.

 

 

Si Dennis ang mapalad na si William Dominic "Liam" Ilustre, ang ex-boyfriend nina  Alex, Darcy at Zoe.

Mayroon siyang organic farm at nangangarap na magkaroon ng isang malaki at masayang pamilya. Ngunit maaaksidente siya, magigising sa coma at makikita ang tatlo niyang ex-girlfriends sa ospital.

Kabilang din sa cast sina Ivan Dorschner bilang Iñigo Sandoval; Migo Adecer bilang Samuel "Sam" Isaac; at Jason Abalos bilang Gael Makalintal.

Kasama pa stellar cast sina Bembol Roco, Snooky Serna, Luz Valdez, Ervic Vijandre, Ayra Mariano, Nar Cabico, Ashley Rivera, Sophie Albert, Jason Francisco, Patricia Ismael, Dea Formilleza, at Euwenn Aleta.

"Nakakatuwa na iba't-ibang personalities 'yung leading ladies ko ngayon" saad ni Dennis.

"Lahat naman sila, okay sila kasama. Lahat sila enjoy sila. 'Pag nandu'n sila sa set, parang naglalaro sila, nag-e-experiment sila ng mga iba't-ibang atake sa mga characters nila," payahag pa ni Dennis tungkol sa tatlo niyang leading ladies.

Ayon kay Rhian, "edgy" daw ang kuwento ng "The One That Got Away."

"'Yung topic medyo edgy siya kasi nga tatlo silang babae that have a guy in common and ang mga babae kasi 'pag nagiging friends, iba na 'yung mga usapan eh. Kaya na nilang mag-share ng mga details. At saka girls like to talk about small details talaga and they make it a big thing," paliwanag niya.

"So si Alex, si Zoe, tsaka si Darcy, dahil nga they have a guy in common, hindi din nila maiiwasan mag-compare ng notes or pag-usapan 'yung mga ganu'ng klaseng bagay. It's medyo daring and parang we all have to be brave to talk about things that for other people, hindi sila comfortable just talking about out in the open," sabi pa ni Rhian.

Para naman kay Lovi, one of a kind ang istorya ng serye.

"I'm just so excited kasi nga the story is one of a kind, it's never been tried in the Philippines before," aniya.

Paliwanag naman ni Max, enjoy daw silang tatlong leading ladies sa chemistry nilang tatlo.

"Now na-e-enjoy lang namin 'yung chemistry naming tatlo and 'pag may mga sexy scenes ginagawa lang naming funny o pakilig," sabi ni Max.

Paliwanag pa ni Max, naging close na niya sa set sina Lovi at Rhian.

"Ngayon lang talaga kami naging close, as in super friends na kami. It's so funny lalo na sa mga eksena na magkasama kaming tatlo, alam na namin 'yung timing ng isa't-isa so it's so much more fun to play around with them," kuwento ni Max.

"Nagkakasundo kami in ways you don't even think na you would get along with people. 'Yung humor namin is pretty similar na weird. We all have off-humor na kami lang 'yung nakakaintindi ng joke. So ang saya lang kasi we're all pretty similar pero we never knew it," patuloy niya.

Super playboy daw ang role ni Ivan na gaganap bilang best friend ni Liam.

"Iñigo Sandoval is a playboy na matinding level na. Hindi na niya naaalala mga names ng ka-date niya sa dami. Wala siyang job pero maraming pinamana sa kaniya, mayaman. Super [playboy type]" sabi ni Ivan.

"Bago pa lang po ako, parang ito pa lang po 'yung simula ko... Exciting po ang taong ito, nagsisimula pa lang tayo," saad ni Jason.

Mapapanood ang "The One That Got Away" simula Enero 15 sa GMA Telebabad. -- FRJ, GMA News