Sa pagbabahagi ng kaniyang kuwentong love life sa programang "Tunay Na Buhay," inamin ni Kapuso host at radio personality na si Joyce Pring na iniiyakan pa rin niya ang hiwalayan nila ng DJ na si Sam Y.G. Gayunman, marami naman daw siyang natutunan sa kanilang naging relasyon.
Sa panayam ng host na si Rhea Santos, inihayag ni Joyce na mula "best of friends" ay naging "good friends" sila ni Sam ngayon.
"We used to be [best of friends], now, good friends," saad niya.
Ikinuwento rin ni Joyce kung paano niya kinakaya na makatrabaho muli ang kaniyang dating nobyo.
"Kailangan ko lang pong tandaan palagi na mahalaga 'yung work ko and mahal ko siya as a friend and then iniiyak ko na lang siya, iniiyak ko po siya usually the night before or after the hosting," pagtatapat ni Joyce.
Sinabi ni Joyce ang hugot sa kaniyang pag-iyak na "'Yung hindi na kami pero magtatrabaho pa rin kami together. Iniiyak ko siya."
Nang tanungin kung mahal pa ba niya ang binata, sambit ni Joyce, "We're good friends."
Si Sam daw ang unang nobyo ni Joyce, at umabot ng apat na taon ang kanilang relasyon, kung saan marami siyang napagtanto at natutuhan.
"Na kaya ko palang magmahal nang tunay. 'Yon at saka po first relationship ko siya kasi, first ko siya, first na nagka-boyfriend talaga ako, first time ko mag-out of town, first time ko mag-out of the country, first time ko everything. So it was really more of like a metamorphosis for me as a person also; Na parang, 'Okay kaya ko pala 'yung magmahal din ng ibang tao,'" pagbabahagi niya.
Pero hindi naman daw nangangahulugan na isinasara na niya ang kaniyang mga pinto para sa kaniyang ex.
"I'm not sure, I'm not closing any doors, I would always say that na hindi naman po ako nagsasara ng any doors," paliwanag niya.
Dahil sa kaniyang karanasan, may tips at advice rin si Joyce sa kaniyang followers. Kabilang na rito ang mga taong mahal pa rin ang kanilang ex pero ayaw na sa kanila.
"'Wag mo na ipilit, 'wag mo na ipilit. Lagi mong tatandaan na kaya mong magmahal ng ibang tao pero hindi mo kayang ipilit 'yung sarili mo sa ibang tao. So before you can love anyone, kailangan mo muna siyempre matutunan na mahalin 'yung sarili mo," bilin niya.
Nagbigay din ng tip si Joyce kung paano mag-move on.
"Lagi ko po ginagawa ngayon, especially na nandoon ako sa process na 'yon, is to really just focus on myself so nagta-take ako ng bagong skills, bagong travels, doing new things, improving on my own and at the same time focusing on the love of other people," paliwanag niya.-- FRJ, GMA News
