Inamin ni Kapuso star Ruru Madrid na nagkaroon siya ng trauma sa mga aso nang makagat siya noong bata pa. Pero nawala na raw ito nang dahil sa matalinong aso na si "Serena" na kasama niya sa bagong GMA serye na "Sherlock Jr."
Sa "Star Bites" report ni Cata Tibayan nitong Miyerkoles, sinabing ninerbiyos pa raw si Ruru noong unang taping ng serye habang kasama si Serena na isang Golden Retriever.
"Mayroon kaming scene sa pilot na kailangan akong dilaan si Serena dito. As in hindi ko kinaya, as in muntikan ako himatayin," sabi ni Ruru.
Ngunit para sa katambal niya sa serye na si Gabbi Garcia, naging magandang pagkakataon ang pagkakaroon ng aso sa kanilang serye dahil nakatulong ito para mawala ang takot ni Ruru sa aso.
"Okay po iyon. I mean ang ganda kasi na-overcome niya at ngayon nakita kong nag-e-enjoy na siya sa company ng dogs," sabi ni Gabbi.
Itinuturing daw nilang isang "Wonder Dog" si Serena dahil malambing, mabait at masunurin ang aso.
"Feeling ko after nitong show na ito, talagang iiyak ako pagka 'di ko na makakasama si Siri," sabi pa ni Ruru.
Hindi lang daw para sa mga dog lover ang "Sherlock Jr." kundi iikot din ang istorya tungkol sa pamilya.
"Maipapakita kung gaano dapat natin minamahal 'yung mga aso natin at kung gaano dapat natin silang pinagpapahalagahan," sabi ni Ruru.
"May mga conflicts when it comes to the family so makikita nila kung paano idi-deal with 'yun ng character ko, character niya," sabi ni Gabbi. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
