Malapit nang mapanood sa GMA ang pinakabagong singing contest sa bansa na "The Clash" kung saan magsasalpukan sa galing sa pagkanta ang mga kalahok. Ang host ng programa na si Regine Velasquez, inihayag ang katangian ng kalahok na kaniyang tutukan.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabi ng Asia's Songbird na excited na siya sa pag-ere ng programa ngayong matatapos na ginawang pag-iikot nila sa iba't ibang bahagi ng bansa para hanapin ang mga sasabak sa "The Clash."
"Very excited, we're very happy. Plus nga nilibot natin ang buong Pilipinas para makahanap talaga tayo ng pinakamagaling," saad niya.
Gaya ng ibang singing competition na naging bahagi siya, asahan na may mga mistulang bunsong kapatid si Regine na kaniyang aalalayan tulad nina Sarah Geronimo, Rachelle Ann Go at Aicelle Santos.
"Nagkakataon lang din dahil mahal na mahal ako ng mga 'yon. Hindi ko rin alam kung anong ginawa ko sa kanila," natatawang sabi ni Regine. "Pero you know, they keep in touch. Si Shin, si Aicelle, they are both getting married and si Aicelle, doble-doble pa yung sa kaniya kasi she's also joining Miss Saigon, so nakaka-proud."
Nang tanungin kung anong katangian ang hinahanap ni Regine sa susunod na singing superstar, sabi ng host-singer-actress, "Yung malinis kang kumanta, yung para kang ni-record, kakaiba sa'yo doon. Totoong mag-perform, from the heart."
Patuloy niya, "Saka hindi masyadong nagpapakitang gilas. Normally kasi yung mga hindi masyadong nagpapakitang gilas, confident sa sarili nila at kakayanan nila, nai-impress ako sa ganun."-- FRJ, GMA News
