Sa 62 na kalahok sa singing competition na "The Clash," 32 na lang ang natira at mahaharap sila sa matinding pagsubok sa susunod na round ngayong linggo.

Sa Star Bites report ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing kalahati ng 32 kalahok ang malalagas sa kanilang tapatan ngayong Sabado at Linggo.

Maging ang host na si Regine Velasquez, hindi maiwasang malungkot kapag may naaalis na kalahok.

"Pagka-kasi sila natatalo parang tinanggal mo sa kanila yung dream nila. Parang ganun yung dating sa amin. Even the judges feels really bad," saad ni Regine.

Pero bilang dating kontesera din ng mga singing contest, sinabi ni Regine na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga natatanggal sa laban.

"I just want to tell them that this is not the end as a matter of fact this is only the beginning," pahayag niya.

Sa dami ng magagaling, hindi raw talaga madali ang trabaho ng "The Clash" panel na binubuo nina Lani Misalucha, Christian Bautista at AiAi delas Alas.

Abangan ang twist na mangyayari sa episode sa Sabado at Linggo na ikagugulat ng mga manonood at ng mismong "Clashers."-- FRJ, GMA News