Kahit nakakagawa na siya ng pangalan sa recording industry bilang Asia's Pop Sweetheart, aminado si Kapuso singer Julie Anne San Jose na "starstruck" pa rin siya sa tuwing nakakatrabaho ang kaniyang mga idolo na sina Asia's Songbird Regine Velasquez at Asia's Romantic Balladeer Christian Bautista.
Sa ginanap na press conference ng "3 Stars, 1 Heart" concert nitong Huwebes sa GMA Network, inihayag ni Julie ang dalawang katangian na gusto niyang magaya kina Regine at Christian.
"'Yung gusto kong ma-acquire, siguro more on kung ano 'yung sobrang ina-admire ko sa kanila. They are really professional and humble, 'yun po," sabi ni Julie.
Asia's Pop Sweetheart Julie Anne San Jose sings her latest single “Nothing Left” at the 3 Stars 1 Heart press conference at GMA Network today. @gmanews pic.twitter.com/YubHCCgjPn
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) April 5, 2018
"Ay hindi ako humble. Mayabang ako eh. Maiba lang," pabirong hirit ni Regine kay Julie.
"Sobrang idol ko po kasi talaga sila ever since. 'Yung pagiging humble po talaga nila and pagiging professional," pagpapatuloy ni Julie.
Naging matagumpay ang ginanap na "3 Stars, 1 Heart" concert nina Regine, Christian at Julie sa Cebu noong Enero. Sa Abril 14, gaganapin naman ito sa CSI Stadia, Dagupan City sa Pangasinan.
May pressure pa rin daw na nararamdaman si Julie sa tuwing kasama niya ang dalawa niyang idolo sa stage.
"Pressure in a good way naman. Kumbaga parang kinakabahan pa rin ako pagka kasama ko sila sa stage, nakaka-starstruck pa rin. But at the same time, I'm really, really grateful," saad ng Asia's Pop Sweetheart.
"Ang galing ni Julie, ang galing galing niya. Kasi sumasayaw, kumakanta. So talagang matutuwa kayo sa kaniya," papuri ni Regine.
Inihayag din ni Julie ang kaniyang natutunan nang makatrabaho sina Regine at Christian.
"Siguro ang natutunan ko po, just be myself. Especially sa mga taong nakapaligid din po sa akin. Si ate Reg at si Christian, bilang magkakasama po kami sa isang concert, it's really important that you build a relationship with your colleagues. For me, sobrang napakaimportante po nu'n kasi du'n makikita ng tao na may connection kaming tatlo. It's just not about me, it's also about the three of us. And may kaniya-kaniyang spotlights din po kami," paliwanag niya.
Handog ng GMA Entertainment Content Group at GMA Regional TV, ang "3 Stars, 1 Heart" na dagdag kasiyahan sa Bangus Festival sa Dagupan ngayong taon.
"Kapag po nagkasama-sama na kaming tatlo, 'yun na po 'yung pinakamaganda for me kasi nakikita ng mga tao na kahit iba-iba po kami, nasa isang stage po kami tapos iisa po kami ng goal na makapagpasaya ng mga tao," sabi pa ni Julie.-- FRJ, GMA News
