Natutuwa si Kapuso star Jak Roberto na suportado siya ng kaniyang girlfriend na si Barbie Forteza pagdating sa kaniyang pagpapa-"sexy," na madalas ipinapakita ang kaniyang hot na abs sa mga cover at photoshoot.
Kuwento ni Jak, lagi pa nga raw inaasar ni Barbie ang kaniyang abs.
"Mas pala-asar po yun eh," sabi ni Jak. "'Pabilang ng abs mo ha, 1, 2, 3, 32 'yan, 32 yung abs na yan.' Parang inaasar niya akong ganun pagka may mga posting. Katulad nang lumabas sa Mega Man. 'Oh 32 abs niyan!.' Mga ganyan, tapos tatawa na lang ako."
Kasama si Jak sa cover ng latest issue ng Mega Man magazine, na tampok din ang iba pang Kapuso hunks na sina David Licauco, Kiko Estrada at Derrick Monasterio.
May mga pagkakataon din daw na nahahawakan ni Barbie ang kaniyang abs.
"Sa mga guesting. Sa Celebrity Bluff. Kunwari tinulak siya ni Brad Pete tapos kunwari nasubsob siya sa akin," natatawang kuwento ng aktor.
Bilang girlfriend, likas daw ang pagiging palabiro ni Barbie, ayon kay Jak."Laging pa-joke lahat, kaya pagka magkakasama kami, para kaming rom-com. Madalas kaming mag-asaran, maraming bagay po eh, puro kulitan," saad pa niya.
Flattered naman si Jak sa mga magagandang puna na natatanggap niya dahil sa ginagawa niyang pag-aalaga sa katawan.
"May kakaiba daw sa akin kasi... iilan na lang din daw 'yung may katawan at may itsura din. Ang sarap lang pong pakinggan and nakaka-motivate po lalo 'yung sinasabi nila."
"Lifestyle na po. Healthy 'yung pagkain, healthy 'yung everyday na pagwo-workout. So parang nakasanayan na po," paliwanag ng aktor.
Patuloy niya, "Sa katagalan, magagamay mo na rin 'yung tamang weight na kailangan mong i-lift, 'yung tamang oras ng cardio and tamang pagkain para sa height. Pangit naman po 'yung sobrang laki kasi 'yung height ko po 5'9" lang. Siguro more on toning lang and lean body."
Kuntento na raw si Jak sa kaniyang 6-pack abs. "For me, satisfied na po ako."
Nakausap ng showbiz press si Jak sa press conference ng "Oh Boy! & Oh LoL!" concert sa Quezon City nitong Miyerkoles.-- FRJ, GMA News
