Inihayag ng aktres na si Sunshine Cruz na masaya siya ngayon sa kaniyang love life.
Sa programang "Sarap Diva" nitong Sabado, naging guest sina Sunshine at anak niyang si Angelina, kung saan sumabak sila sa isang Q and A tungkol sa kanilang pagiging mag-ina.
"Kung nasaan man ako ngayon, kung ano man 'yung posisyon na kinaroroonan ko, I could honestly say na masaya ako. Go with the flow lang, chill, walang stress," saad ni Sunshine.
Bago nito, ikinuwento ng aktres na matapos siyang mahiwalay sa asawa noong 2013, ang kaniyang mga anak na babae pa mismo ang nag-encourage sa kaniya na makipag-date.
"Even before nu'ng wala pang dine-date si mommy, sila 'yung nagsasabi na 'You should date mom! It's about time!'"
"I got separated 2013. Nu'ng 2014 sila pa 'yung nagpu-push sa akin na 'Mom it's about time. You're always working, I think it's about time that you date, try to enjoy,'" pagpapatuloy ng aktres.
Aniya ang sagot niya sa mga anak: "'Anak hindi naman natin maipipilit 'yan, hindi naman natin puwedeng hanapin kasi alam ko na in God's time, merong darating na para sa akin.' Sabi ko, 'Huwag niyo akong pilitin, huwag niyo akong kulitin about that.'"
Boyfriend ngayon ni Sunshine ang businessman na si Macky Mathay.
Ayon sa aktres, mayroon na ring mga anak si Macky ngunit magkakasundo ang kanilang mga anak.
Panoorin ang pahayag ni Sunshine sa video na ito.
—ALG, GMA News
