Sa kaniyang pagbabalik-telebisyon, excited ang "The Superstar" na si Nora Aunor na maging bahagi ng upcoming GMA teleserye na magpo-pokus sa pagmamahal ng ina sa kaniyang anak kung saan makakasama niya ang mga young Kapuso star na sina Mikee Quintos at Kate Valdez.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, ikinuwento ni Nora ang kanilang mga paghahanda sa serye.

"Nag-taping na po kami at ilang araw na rin po akong nagte-taping, at ngayon naman nagte-taping ang mga kabataaan," sabi ni Nora.

"Ang aming ginagawa pong proyekto na napakaganda at talagang maraming magulang o nanay na natutuwa dahil itong show na ito ay para sa kanila. Dahil ito ay istorya o kuwento ng isang nanay kung paano niya mahalin ang isang anak," dagdag niya.

"Dream come true" para kina Mikee at Kate na makasama ang Superstar, ngunit aminado sila na hindi nila maiwasang kabahan.

Komento naman ng Superstar sa dalawang kabataang aktres; "Ngayon ko lang sila makakasama at sa palagay ko mga napakagagaling na mga bata at napakagagaling na mga artista nila."

Samantala, sumabak din si Nora sa "Name your Favorites" challenge para mas lalo pa siyang makilala ng mga fans, kung saan sinabi niya ang kaniyang favorite food at travel destination.

Panoorin ang video.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News