Pinaalalahanan ni Willie Revillame ang publiko na huwag basta maniniwala sa mga nakikita sa internet na kunwaring nagpapa-audition sa "Wowowin." Layunin ng mga manloloko na makapagsamantala sa kanilang mabibiktima gaya ng ginawa sa ilang babae na pinaghubad pa umano.
"Mayroon po kasi sa online na lumalabas na may audition daw. 'Yung hong mga ina-announce sa Youtube 'wag po kayong maniwala. Dito po sa show [kayo maniwala]," saad ni Willie nang ianunsyo niya ang gagawing audition para sa mga sasali sa segment na "Wil Of Fortune" na ang mananalo ay makapaglalaro sa "Pera o Kahon" na ang mega jackpot prize ay house and lot, P1 milyon at bagong kotse.
Batay sa nakarating na impormasyon kay Willie, mayroon mga babae na pinapunta ng mga scammer na gumamit sa "Wowowin" para magpa-audition at pinaghubad pa umano.
"Kasi mayroon po yatang pinapuntang mga babae at pinaghuhubad daw at ginagamit po ang 'Wowowin," saad ng game show host. "Ia-announce namin 'yan [audition]. Ako po ang magsasabi sa inyo."
Dagdag pa ni Willie, hindi sa internet kung hindi mismong sa studio ng "Wowowin" ibinibigay ang mga papremyo sa programa.
WATCH: 2 kasambahay at houseboy, certified milyonaryo na
Kamakailan lang, natanggap na ng dalawang kasambahay at isang house boy ang house and lot, P1 milyon at bagong kotse na kanilang napanalunan matapos nilang makuha ang mega jackpot.
Ibinalita na rin ni Willie na magkakaroon ng opisyal na Youtube channel ang "Wowowin" para doon din gagawin ang mga anunsyon at mga palabas ng programa bukod sa telebisyon. -- FRJ, GMA News
