Pinatunayan ng ilang Kapuso stars na nagbubunga ang sipag at determinasyon, dahil bagama't hindi sila itinanghal bilang grand winner sa mga sinalihan nilang contests noon, nagsikap at gumagawa sila ng pangalan sa showbiz ngayon.
Sa Star Bites report ni Suzi Abrera sa GMA News' Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing sumali noon si Megan Young sa StarStruck Season 2 ngunit hindi naging grand winner.
Pero taong 2013 nang itanghal siya bilang Miss World.
"Don't win because other people tell you to. Do it because you want to do it. It's not just about being beautiful or being intelligent. It's about really reaching out and making a difference," sabi ni Megan.
Si Rocco Nacino naman, hinirang bilang Second Prince sa StarStruck Season 5. Matapos nito, mas nakilala pa ang kaniyang husay sa pag-arte at sa larangan ng martial arts.
Bukod dito, nakapagtapos din si Rocco ng kaniyang masteral degree, kahit pa busy sa showbiz at ibang pinagkakaabalahan.
"Talagang isang bagay na maipagmamalaki ko sa magiging anak ko, sa kaibigan, at alam kong magagamit ko ito para makapag-inspire pa sa mga kabataan, na kayang-kaya nilang gawin, basta ilagay nila ang puso't isipan nila sa gusto nilang mangyari," ayon kay Rocco.
Hindi man pinalad magwagi si Christian Bautista sa sinalihan niya singing competition, ngayon kilala na siya bilang "Asia's Romantic Balladeer."
"You do your best talaga every year to not just focus on doing up para sa title pero just keep on performing, just keep on singing. Let the people decide if you're worth the title or not," ani Christian.
Sumali rin noon si Julie Anne San Jose sa Popstar Kids, pero napabilang siya hanggang top 5 lamang.
"It's not about winning the competition, it's about winning in life. I've had challenges like sobrang daming challenges, umabot din sa point na almost mag-quit na ako," sabi ni Julie. — Jamil Santos/LA, GMA News
