Hindi itinago ng Kapuso actor na si Ken Chan ang pag-aalala para sa ama nang sumailalim sa operasyon kamakailan. Nasa mabuting kalagayan na ito ngayon na nagsisilbi raw inspirasyon niya sa kaniyang trabaho.
Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing naghahanda si Ken para sa bagong series na kaniyang pagbibidahan, kung saan kailangan niyang mag-immersion.
Ngunit bakas pa rin sa mga mata ng aktor ang matinding lungkot at pag-aalala para sa ama. Pakiramdam pa niya, malayo rin ang kaniyang isip.
Naospital kamakailan ang kaniyang ama dahil sa problema sa esophagus at kinailangang operahan.
Huli silang nag-usap noong Lunes bago sumabak si Ken sa immersion.
"Sabi ko po sa kaniya, 'Pa, hindi ako makakapunta sa operation mo kasi may gagawin ako para sa series. And sabi niya sa 'kin, 'Ahm, bago ako operahan, ikaw pa din 'yung ipagpe-pray ko, bago ako operahan.'"
Sa kabutihang palad, mabuti na ang kalagayan ng ama ni Ken at nagpapalakas na. Nagsisilbi ngayon itong inspirasyon ng aktor sa trabaho.
Bibida si Ken bilang isang 23-year old man na may intellectual disability sa bagong Kapuso series, at blessing ito para sa kaniya.
Ito ang dahilan kung bakit kailangan niyang sumalang sa immersion at makihalubilo sa mga taong may disability.
"Ang sarap nilang kausap, ang sarap nilang kasama. Akala ko ang dami ko nang kayang gawin pero 'pag nakaka-usap mo sila, at nakausap mo sila, mas marami ka pa palang matututunan sa kanila," kuwento ni Ken. -- FRJ, GMA News
