Nagpakitang-gilas noon bilang isang kiddie reporter sa 5 and Up si Rayver Cruz kasabay nina Chynna Ortaleza, Atom Araullo at kapatid na si Rodjun.
Naging bahagi rin siya ng sitcom ni Joey De Leon noong year 2000 na "Kiss Muna," kaya masasabing dito sa GMA Network nagsimula ang career ng aktor.
At ngayon, matapos ang mahigit isang dekada, nagbabalik-kapuso na si Rayver!
"Basta mahaba yung proseso pero nung napag-desisyunan na namin excited din ako kasi nga it's a new beginning for me," kuwento ni Rayver sa panayam ni Nelson Canlas sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Miyerkoles.
"Fresh start and I'm open sa mga bagong challenges na gagawin ko sa GMA. So just excited."
Malaking aspeto ba ng kanyang desisyon ang pagiging kapuso ng kapatid na si Rodjun at kanyang close friend na si Janine Gutierrez?
"Nagkataon lang din. Nagkataon lang din. Before ko pa ma-meet si Janine, maging close, makilala nandu'n naman na 'yung option na lumipat," aniya.
Ayon kay Rayver, bukod sa pagpapakita ng kanyang galing sa pagsasayaw, gusto niya rin niyang mapalawak ang kanyang galing sa pag-arte.
"Excited na akong mag-drama and 'yung mga challenging na roles na alam kong pag-aralan mabuti so nakaka-excite lang," kuwento niya.
Nang tanungin kung sino ang kaniyang gustong makatrabahong Kapuso star, mabilis ang sagot ni Rayver.
"Of course, Marian (Rivera). Bakit si Marian? Kasi noon pa lang nanonood na ako ng MariMar haha. So 'yun. Of course sila Dingdong (Dantes), Jennylyn (Mercado), Heart (Evangelista), of course kapatid ko si Rodjun and siyempre si Janine." —Jamil Santos/JST, GMA News
