Kahit mga guwapo at magaganda, nakaranas din ng heartbreak ang ilang Kapuso star dahil sa pakikipag-break sa kanilang minamahal. Alamin kung papaano sila naka-move on mula sa masakit na hiwalayan.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni "Contessa" star Glaiza de Castro na basta na lang siya iniwan ng lalaking kaniyang minahal nang walang paliwanagan.

"Bigla na lang siyang nawala. So parang sa 'kin, nasanay ako na ganu'n na lang siya nagtapos na parang wala," saad niya.

Pero nagpakatatag si Glaiza at pinili niya na lang magpatawad.

"Pagkatapos ng break-up, iiiyak ko lang siya, talagang isang buhos na iyakan. Siyempre made-drain ka no'n, 'di ba, pagkatapos nu'n, tulog ka lang," paliwanag niya.

Si Kris Bernal, ipinagpalit naman daw ng boyfriend sa iba. Pero nalampasan niya ang masaklap na kuwento ng kaniyang pag-ibig sa tulong ng kaniyang mga mahal sa buhay.

"Nandiyan kasi 'yung support ng family at the same time malaking tulong talaga if you, if you keep yourself busy," sabi ng aktres.

Ang Kapuso Fil-Am na si Matthias Rhoads, pitong taon daw dinamdam ang sakit nang hiwalayan nila ng kaniyang ex-girlfriend.

At ang naging paraan daw niya para naka-move on; "I went to the gym. I tried to better myself. I tried to make myself happy.  You just have to search for what makes you you before the relationship."

Si Juancho Trivino, nangibang-bansa para malimutan ang sakit sa bigong pag-ibig.

"Siyempre para makalimot, malayo sa Pilipinas. Kasi ganu'n 'yung ano... minsan 'yun lang ang kailangan natin, bagong paligid na makapag-relax at makahinga muna nang konti," pahayag ng aktor.

Pero si Jak Roberto, hindi na raw kailangang magpakalayo-layo pa.
"Ang way ko po du'n, mas gusto ko na nasa coffee shop nagka-count ng blessings," aniya.-- FRJ, GMA News