First time na magkakasama sa serye at may eksenang halikan na agad sina Rocco Nacino at ang bagong Kapuso na si Sophie Albert para sa upcoming GMA series na "Pamilya Roces."
Sa ginanap na presscon para sa naturang serye, tinanong si Rocco kung paano niya inalalayan si Sophie sa kanilang intimate scenes.
"I'm that good, you know... Hindi joke lang," natatawang sabi ng aktor.
"Hanga ako sa kaniya. Kasi when she came in, she was bombarded with all the scenes na ganito ka, ganito, and her character is very pivotal. Very pivotal 'yung character niya sa mga conflict na mangyayari rito," dagdag ng aktor.
Gagampanan ni Rocco ang karakter ni Hugo Javellana, asawa ni Crystal Rose Roces-Javellana (Carla Abellana). Ngunit magkakaroon ng affair si Hugo kay Amber Balocboc (Sophie).
Bukod dito, bilib din ang aktor sa pagiging propesyunal ng aktres.
"It took a lot of us talking to be familiar with each other kasi I've never worked with her, never ko pa siya nakakatrabaho. And we just made things comfortable. First scene nga namin halikan agad eh. So ganu'n kalala. So we really had to use the time efficiently to know, bond instantly. It worked, it worked," paliwanag ni Rocco.
"Ngayon lagi kami nagkukuwentuhan, we laugh about things. We laugh about private stuff na rin. So nag-work 'yung plano na maging komportable sa isa't isa," dagdag niya.
Natanong tuloy kung hindi ba nagseselos ang kaniyang real-life girlfriend na si Melissa Gohing sa mga ginagawa niyang intimate scenes.
"These are things na of course, konting mali lang, malaking away. Pero I'm happy that she's very understanding, she's very supportive. So I really appreciate that from Mel," ani Rocco.
Magsisimula ang "Pamilya Roces" sa Oktubre 8 pagkatapos ng Onanay sa GMA Telebabad.-- FRJ, GMA News
