Ngayong nakagawa na ng isang sexy at daring na movie na "Wild and Free" kasama si Derrick Monasterio, inilahad ni Kapuso star Sanya Lopez ang kaniyang kondisyon sa pagtanggap ulit sa mga susunod na mas daring pa na pelikula.
"Depende pa rin po eh. Depende pa po sa story. Kapag po maganda 'yung istorya at kapupulutan ng aral, go. Feeling ko kasi mas nakikita 'yung pagiging aktres, na artista ka kapag may aral 'yung kuwento. Kapag walang aral, medyo mahirap po 'yan, baka iba 'yung puntahan natin," pahayag ni Sanya nang makapanayam ng showbiz reporters sa "Wild and Free" press conference noong nakaraang buwan.
Tinanong din si Sanya kung nangangahulugan itong handa na siyang sumabak sa mga mas intimate pa na movies.
"Sa ngayon po, naka-focus muna ako dito sa movie na ito. After po nito, medyo pag-iisipan ko pa po kung ano po magiging decision ng manager ko, ng GMA po tsaka ako. Depende pa rin po sa istorya."
Aminado si Sanya na "shocked" ang kaniyang pamilya sa mga hot scenes nila ni Derrick sa Wild and Free, ngunit nandiyan pa rin ang kanilang suporta.
"Sa mga eksena po, partly na-shock din sila talaga sa mga eksena ko kasi hindi talaga siya biro. Partly rin po masaya sila kung ano 'yung ginagawa ko ngayon dahil [I made it] sure kay mommy at kay kuya na hindi bastos ang movie na ito. Na itong movie na ito, kapupulutan ng aral."
Pinagsabihan ba ng kapatid niyang si Jak ang leading man niyang si Derrick na alalayan si Sanya?
"Hindi po. Everytime na meron akong ginagawa, nandu'n kami, nakasuporta lang kami sa bawat ginagawa namin. Nasasakaniya 'yon at nasasa akin 'yon kung paano namin aalagaan 'yung sarili namin. Hindi naman siya nanghihimasok," saad ni Sanya.
At dahil sexy scenes ang pinag-uusapan, hindi rin maiwasang itanong na kung sakaling magka-boyfriend si Sanya, handa ba siyang ibigay ang kaniyang "lahat."
"Actually after wedding pa po talaga 'yung target ko. Amboring!" sarcastic niyang sabi. "Eh kung mahal naman niya ako bakit hindi? So du'n mo malalaman 'yon kung seryoso."
"Siguro kung may mangyari mang ganu'n, hindi ko pa rin po kasi talaga masabi, makapagsalita nang tapos. Pero importante po kasi du'n kapag 'yon, mahal ako ng tao."
Ipinapalabas ngayon ang Wild and Free sa mga cinema. —LBG, GMA News

