Matapos dumalo sa isang prestihiyosong film festival sa Tokyo, Japan, ang kaniyang debut naman ang inasikaso ni Therese Malvar na gaganapin sa Sabado.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing dumalo sa Tokyo International Film Festival si Therese dahil kasama sa Asian Feature segment ng festival ang pelikula niyang "Distance."

Pagbalik niya sa bansa, nag-food tasting siya at isinukat ang gown na isusuot niya para sa kaniyang debut party sa Sabado.

"Napakalapit nang debut and I'm really thankful for Artist Center and for those who have helped me to make this debut possible," saad ng young actress.

Itinuturing ni Therese na best gift sa kaniyang 18th birthday ang bagong soap na "Inagaw Na Bituin," kung saan magtatagisan sila sa husay sa pag-arte ni Kyline Alcantara.

"I think as I blossom into a woman, I also have blossomed into my career with this new teleserye, na first time ko pong maging major role or a lead or kontrabida," pahayag niya.

Makakasama nina Therese at Kyline sa serye ang mga de kalibreng artista tulad nina Sunshine Dizon, Angelika Dela Cruz, Marvin Agustin, Angelu de Leon at Gabby Eigenmann.-- FRJ, GMA News