Inihayag ng Kapuso star na si Rhian Ramos na hindi lang ang kumita ang dahilan kung bakit niya ginawa ang pelikulang "Kung Paano Siya Nawala," na katambal niya si JM De Guzman.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing naantala ang pag-alis ng bansa ni Rhian papuntang New York dahil naurong sa November 14 ang playdate ng pinagbibidahan niyang pelikula.
Ngunit maliban sa siya ang lead actress sa "Kung Paano Siya Nawala," isa rin si Rhian sa producer ng pelikula.
"I feel very proud [sa pelikula]. Hindi ko siya ginawa para lang kumita, oo, parang, para lang sa box office pero ipinaglaban ko siya dahil I believe na it's a work of art," paliwanag ng aktres.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Rhian, na napakahusay ng pagkakasulat ng istorya ng pelikula na iikot sa relasyon nina Shana [Rhian], isang free-spirited woman at si Lio [JM], na mayroong cognitive disorder characterized, o madaling makalimot ng mukha.
“Ang daming moments, ang galing nang pagkasulat – they made the movie so full of [relatable things that will make people go] ‘that’s happened to me,” saad ni Rhian.
“I really like the way Shana tries to remind Lio ‘Hey, it’s me!’ She does it in a very playful way and I thought it was very cutem,” saad niya. “I also like the parts when they’re getting to know each other and they’re starting to show each other their true selves na – yung intimacy, gusto ko din.”
Samantala, pag-alis ni Rhian patungo sa Amerika, tatlong buwan siyang mawawala dahil kukuha siya ng kursong comedy improvisation sa New York.
"'Yung dream ko parang gusto ko maging...mag-join ng Saturday Night Live, ganu'ng-gano'n. It just so happened na ang daming nangyari, tapos mas nagpunta ko sa dramatic acting," paliwanag niya.-- FRJ, GMA News
