Hindi lang sa salita ipinapahayag ng GMA-7 star na si LJ Reyes kung gaano niya ipinagmamalaki ang boyfriend na si Paolo Contis sa pelikula nitong "Through Night and Day" na kasalukuyan pa ring palabas sa mga sinehan.

Sa katunayan, si LJ pa mismo ang nag-organize ng block screening para sa pelikula noong November 15 sa Director's Club Cinema sa SM Megamall.

“Sobrang proud lang talaga 'ko,” pahayag ni LJ nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Bukod sa parehong pamilya nila ni Paolo, dumating din sa block screening ang mga kasamahan ni Paolo sa Bubble Gang tulad nina Betong Sumaya, Lovely Abella, Valeen Montenegro, at Boy 2 Quizon.

Naroon din ang direktor at aktres na si Gina Alajar at ang isa sa matalik na kaibigan ni Paolo na si Dingdong Dantes.

Ayon kay LJ na pitong buwan nang buntis, “Hindi rin naman kasi madalas mabigyan ng opportunity si Pao na magkaroon ng ganitong project, and finally it came.

“At para maalala rin ng tao how good an actor he is.”

Pagmamalaki niya, “Uy, Best Actor 'yan ha!

“Sa Star Awards, Best Actor [for the movie Banal, 2008].

“So gusto kong maalala ng mga tao na kapag ito umarte talaga, drama...

“Talagang tagos sa puso at talagang proud na proud ako sa kanya sa movie na ‘to.”

Napaka-supportive niya dahil may pa-block screening pa talaga siya.

“Oo, e. Kasi, ngayon lang ang opportunity.

“Gaya nga ng sinasabi niya, baka first and last ‘to,” natawang sabi niya.

“Joke niya kasi yun, pero joke lang. Sana meron pa, di ba?

“Ang sa akin lang kasi, ngayon lang siya nag-movie 'tapos siya pa ang lead role.

“So ang sa akin, deserve naman niya talaga to be given this kind of support.”-- For the full story, visit PEP.ph