Doble na ang ingat ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera lalo't ipinagbubuntis niya ngayon ang kanilang baby boy ni Dingdong Dantes. Si baby Zia naman, excited na sa paglabas ng kaniyang kapatid.

Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing pinipili na ngayon ni Marian ang mga bagay na kailangan niyang gawin sa unti-unting paglapit sa kaniyang kabuwanan.

"Kaya naman pero mas iba 'yung kay Zia, siguro palibhasa boy. 'Di ko alam eh, mas malaki. Mas mabigat. Pero kaya naman," saad ni Marian nang magbahagi ng karanasan tungkol sa breastfeeding sa Annual Convention ng Mother and Child Nurses Association of the Philippines.

Ayon kay Marian, ang pag-breastfeed ang isa sa kaniyang mga kaagapay para palakihing malusog, matalino at masayahin ang anak.

Sa katunayan, hindi niya inawat ang panganay na si Zia hanggang mag-dalawang taon ito, at naghahanda na rin siya dahil paniguradong magbe-breastfeed din siya sa kanilang baby boy.

"Maraming benepisyo ka namang makukuha, magiging close kayo ng anak mo. Lalaki 'yung anak mong malusog at the same time, ewan ko 'yung anak ko makulit eh. Pero sabi naman nila manifestation daw 'yun ng pagiging matalino. Sana nga," natatawa niyang paliwanag.

Samantala, aliw na aliw din ang mga netizens sa ka-cute-an ni Zia habang nasa Hongkong Disneyland ito.

Excited na si Zia sa paglabas ng kapatid niyang lalaki, ayon kay Marian.

"Ini-involve namin siya sa lahat ng ginagawa ko especially kapag pupunta kami sa OB. Pinapakita talaga namin sa kaniya. Naririnig niya 'yung sinasabi ng OB sa akin. So aware siya sa lahat."--Jamil Santos/FRJ, GMA News