Hindi napigilan ni "Onanay" star Kate Valdez na maging emosyon nang ikuwento ang kaniyang realization habang nagpapalit ang taon. Anang aktres, nais niyang maglaan ng mas maraming oras sa pamilya ngayong 2019 lalo na sa kaniyang ina.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, naiiyak na inamin ni Kate na masyadong nakatuon ang kaniyang oras sa trabaho nitong nakaraang taon.
"More time sa family ko lalo na sa mom ko. Kasi kung may work minsan wala na kaming time mag-chikahan. Uuwi lang ako maliligo lang ako, matutulog na ako, magbabasa ng script. Actually ganoon lang. Hindi na kami masyadong nag-uusap ng daddy ko, ng sister ko. Kasi yung schedule ko ng one week tuluy-tuloy. Rehearsals ng 'Studio 7 and stuff. Parang na miss ko lang yung time na nagkukwentuhan kami," paliwanag niya.
Isang malaking biyaya raw na sa edad na 18 ay alam na ni Kate ang mga mahahalagang tao sa kaniyang buhay na dapat niyang pinaglalaanan ng panahon, partikular na ang kaniyang ina.
"I'm so lucky and blessed I have her. Kasi hindi ko kakayanin kung wala siya. Hindi ko ma-imagine na wala yung mom ko sa tabi ko kasi siya yung sobra yung belief niya sa akin. yung tiwala niya sa akin," patuloy ng aktres.
Samantala, sinabi ni Kate na pinaghandaan nila nang husto ang mainit na tagpo sa "Onanay" kung saan malalaman na ng kaniyang karakter na si "Natalie" na kapatid niya si "Maila," na ginagampanan naman ni Mikee Quintos.
Magkakaroon umano ng matinding komprontasyon ang mga karakter nila ni Mikee.
"Kinunan namin yung eksena naka... siguro tatlong rehearsal kami para ma-clear kung ano talaga ang gagawin," saad niya.
Dapat abangan ang magiging reaksyon ni Natalie kung matatanggap ba niyang ina si Onay.-- FRJ, GMA News
