Palabas na sa mga sinehan ang pelikulang hango sa tunay na buhay na "Boy Tokwa: Lodi ng Gapo," na pinagbibidahan ni Jose Manalo. Pero sinasabing hindi raw si Jose, kung hindi isa ring "Eat Bulaga" dabarkads ang unang ikinunsiderang gumanap na bida sa naturang pelikula.

Sa ulat nina Allan Sancon at Jocelyn Dimaculangan sa PEP.ph., ang "Boy Tokwa" ay unang pelikulang handog ng VST Productions ni Senate President Vicente “Tito” Sotto.

READ: Pelikula ni Jose Manalo, hango sa buhay ng isang 'con artist' na nangarap makapunta sa US

Ayon umano sa direktor ng pelikula na si Tony Reyes, ibang komedyante ang unang nasa isip nila na gumanap sa buhay ng "con artist" na si Rodrigo Morelos,  aka Boy Tokwa ng Gapo.

"Actually, nung una, gusto sana nila Joey de Leon. Pero nung nakita ko yung picture ni Boy Tokwa, kamukha sila ni Jose Manalo," sabi ni direk Tony.

"Sabi ko sa kanila, mas maganda siguro kung si Jose," dagdag niya.

Mga dayuhan umano sa Olongapo ang kadalasang binibiktima ni Boy Tokwa, na pangarap na makarating sa Amerika.

Kabilang sa niligawan niya ang apo ni of General Douglas McArthur na si Anne McArthur, isang Naval officer, pero nabasted siya.

Napaibig niya naman at naging asawa ang isa pang Naval officer na si Patricia Woods, nagkaroon sila ng anak.

Aminado naman si Jose na may ibang ikinunsiderang gumanap noon sa buhay ni Boy Tokwa.

"Si Tito Joey yata yung gusto nila noon, matagal na. Mahaba pa yung buhok niya noon kaya pwedeng siya.

"Siguro nung time na ito, hindi na pwedeng mag-shoot si Tito Joey kaya sa akin napunta," ayon sa EB dabarkad.-- For the full story, visit PEP.ph