Iginiit ni Mika Dela Cruz na hindi raw "masama" ang karakter niya na sa pinakabagong Kapuso series na "Kara Mia."

Aniya, "antipatika" lamang daw si Mia.

Ayon sa aktres, peg niya ang ate niyang si Angelika Dela Cruz para sa karakter niya rito. Sa press launch ng "Kara Mia" sa Quezon City kamakailan, ikinuwento ni Mika na ipinaglalaban niya na hindi masama si Mia.

"Actually, hindi siya masama at all. Naiinis ako kapag sinasabing masama. Hindi po siya masama. 'Di ba 'yun ang laging sinasabi, 'Ang sama-sama!' Hindi siya masama, pinaglalaban ko, hindi siya masama," pabiro niyang sabi.

Paliwanag ni Mika: "Ano po siya, parang, bakit, may times din naman na, tulad ng ate ko, maldita siya pero hindi siya masamang tao!"

"I mean, hindi ba may gano'n na, actually 'yong character ko tinitingnan ko na malapit sa ate ko e. Sa kaniya ko nakikita 'yong [pagiging prangka], 'di ba?! Sorry ate!"

Biniro si Mika na baka raw magalit ang kaniyang ate Angelika sa kaniyang sinabi.

"Hindi, siya nga 'yong peg ko eh. Workshop pa lang eh. Kasi parang ate ko kasi ganu'n eh. Gano'n lang siya magsalita na, 'Ano ba 'yon? Parang ang sama namang magsalita nito,'" sabi niya sa sarili.

"Pero 'yong ibig niyang sabihin, kabaligtaran! Kunwari parang, 'Ayusin mo nga ito, ang chaka chaka! Ano ba 'yan?' Pero 'yong ibig niyang sabihin, gusto niya akong ayusan."

Kaya naman si Angelika ang tinitingnan ni Mika kung paano niya gagampanan ang role ni Mia.

"So sa simula, si Mia, parang antipatika lang talaga siya. Gano'n lang talaga siya magsalita pero dahil may pinagdadaanan. Actually, nakakatuwa rin siya magbitaw ng lines. So lahat naman ng tao may masamang ugali at may magandang side eh."

Mapapanood ang "Kara Mia" sa GMA Telebabad sa Pebrero. — Jamil Santos / AT, GMA News