Sa pangunguna ni Bossing Vic Sotto, sinorpresa ng dabarkads ng "Eat Bulaga" ang President and CEO  ng Television and Production Exponents (T.A.P.E.),  na si Antonio Tuviera, na nagdiriwang ng kaarawan at isa sa mga nasa likod ng longest-running noontime show sa Pilipinas.


READ: Dabarkads, full-force sa contract signing kasama ng GMA Network para sa ‘Eat Bulaga’

Dahil mala-"Sugod-bahay" segment ng "EB" ang ginawang pagsopresa ng mga dabarkads, may mga "premyo" rin siyang nakuha tulad ng "Bossing Savings" mula kay Vic. 

Sa video na unang ini-upload sa FB account ng Eat Bulaga, makikita sina Senate President Tito Sotto at Vic na magkasamang tinawagan sa cellphone si Tuviera katulad nang karaniwang ginagawa ni Vic sa mga mapalad na napipili sa "Sugod-Bahay" na bahagi ng segment na "Juan For All, All For Juan."

Nang kunwaring nakumpirma na si Mr. Tuviera ang kanilang natawagan, doon na sumugod sa bahay ang nakaabang na "Sugod-Bahay" gang na sina Wally Bayola, Jose Manalo, Ryan Agoncillo at si Alden Richards.

Kinapanayam pa kunwari ng dabarkads si Tuviera na game na game namang sinagot ang mga tanong ng grupo.

Hindi nagtagal, isa-isa nang ibinigay ang kunwaring mga premyo na matatanggap ng EB executive, kabilang na dito ang "Bossing Savings" na ibinibigay ni Vic sa mga nanalo.

Bagaman sa tunay na Sugod-Bahay segment na sikreto kung magkano ang laman ng Bossing Savings na ibinibigay sa mga nananalo, kay Mr. Tuviera, P20 ang laman sa kanilang masayang sorpresa para sa may kaarawan.--FRJ, GMA News