Ikinuwento ni Joyce Ching ang mga detalye ng proposal ng ngayo'y fiance na niyang si Kevin Alimon. Ayon sa aktres, kamuntikan pa niyang mabisto ang nobyo dahil sa pagiging kabado nito habang binabasa ang liham para sa kaniya.

"Monday, February 25, sa Breakout. 'Yung mga mystery rooms na kailangan mong makalabas. [May iso-solve] ka na clue, ganiyan ganiyan. Noong malapit na kaming makalabas, naglabas siya ng paper, kakuntsaba niya 'yung mga taga-doon. Inabot sa kaniya, sabi niya 'May clue! Ito 'yung clue.' So binasa niya. Sabi ko 'Antagal mo magbasa, ako na nga magbabasa.'" kuwento ni Joyce nang makapanayam ng showbiz reporters nitong Biyernes sa Dragon Lady fans and bloggers' conference sa Quezon City.

"Tapos pinagpatuloy niya lang, tapos bigla siyang nag-Tagalog, sabi niya 'Dati pa kita crush...' Gumaganon. Sabi ko 'Huh? May Tagalog? Bakit may Tagalog? Tapos hinablot ko sa kaniya 'yung paper. Tapos 'yun na. Doon nakasulat 'yung letter niya. Doon na siya nag-propose," dagdag ni Joyce.

Walang clue noong una si Joyce sa pag-propose sa kaniya ni Kevin, pero kamuntikan pa niyang mahalata ang boyfriend dahil sa tila pagka-utal utal nito habang binabasa ang sulat.

"Wala akong clue na doon niya gagawin at noong mga panahon na iyon mangyayari. Bago nga siya actually mag-propose, tinanong ko pa siya na 'Are you proposing?' kasi parang, nag-stutter siya tapos natatawa-tawa, pero kinakabahan lang pala. Tapos tinuloy na niya 'yung spiels niya after that," ani Joyce.

"Kasi po nu'ng binasa niya 'yung clue at nabasa ko 'yung card, may letter from him."

Ngunit nabigla si Joyce nang ilabas na ni Kevin ang engagement ring. Hindi niya rin naiwasang umiyak.

"Sobra! 'Yung mga photos namin, 'yung right after ng proposal, sobrang namamaga 'yung ilong ko. Umiyak rin siya, pero mas ngawa ako."

Pag-oo ni Joyce

Inilahad ni Joyce na siniguro muna niya ang sarili bago ibigay ang matamis niyang "Oo" kay Kevin.

"Kasi... mahal ko siya. At bukod doon, kasi parang even before ako pumasok doon sa relationship namin as boyfriend-girlfriend, minake sure ko na talaga, tinanong ko 'yung sarili ko, if magpo-propose ba ito? Or sasagutin ko ba siya? Or ready ba ako na ikakasal ako sa kaniya? Ganoon. Parang, hindi lang ako nag-yes to boyfriend-girlfriend, pero inisip ko na rin 'yung future na, 'If mag-i-invest ako sa relationship na ito, sure ba ako na hanggang marriage ito? Hanggang marriage, game pa rin ako? Sure pa rin ako? So 'yun."

Edad 24 na ngayon si Joyce samantalang 26 naman si Kevin.

Siniguro rin daw ni Joyce na bago pa siya pumasok sa isang relasyon, husband-material niya ang kaniyang makakatuluyan.

"Oo, even before pa ako mag-yes to boyfriend-girlfriend. Parang 'yun talaga 'yung main thing na tiningnan ko, if kaya ko bang mag-submit sa person na ito buong buhay ko, pang life time."

Nakita raw niya ito kay Kevin.

"I think 'yung pagiging husband material, mas nakita ko 'yun sa character niya and sa personality niya. Kasi ako, hindi ako decisive na tao eh. Isa 'yon sa pinakatiningnan ko, bukod sa kung mahal ba niya si Jesus, pangalawa 'yung kung decisive ba siya, kaya ba niyang magdesisyon in life."

"Kasi 'di ba, if you're gonna build a relationship or a family, kailangan, 'yung magli-lead sa 'yo is decisive, or kaya kang i-lead properly. May idea siya kung paano nagwo-work [ang relationship," dagdag ng aktres.

Ready to answer

Natanong si Joyce kung naisip niyang humindi sa proposal ni Kevin.

"Wala! Wala! Ready to answer!"

Pinagpaplanuhan na ngayon nina Joyce at Kevin ang kanilang kasal.

"'Yun po 'yung pinagpaplanuhan pa at iniisip at pinagdadasal pa namin kelan. Hindi ko pa po talaga sigurado... Hindi pa po namin napag-uusapan kung ano 'yung exact date pero I don't think 'yung long engagement na mga three years, ganiyan, I don't think aabot kami ng three years."

Ngunit bago pa man ang proposal, napag-usapan na nilang dalawa ang kasal.

"Well, napag-uusapan naman din po namin nga 'yung future plans, ganiyan, pero hindi ko lang alam at hindi ko in-expect na nu'ng day na iyon mangyayari."

Sakali mang ayain si Joyce ngayong taon na magpakasal na, handa naman siya.

"Ready! Lahat naman ng step na ginagawa namin sa relationship namin, pinagdadasal namin nang mabuti at mine-make sure namin na parehas kaming ready." —JST, GMA News