Dahil malapit na siyang manganak, magpapahinga muna bilang host ng weekly anthology na "Tadhana" ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Alamin kung sino ang pansamantalang hahalili sa kaniya.
Sa Starbites report ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing sa pamamagitan ng Instagram post, nagbahagi si Marian ng patikim kung sino ang hahalili sa kaniya sa kaniyang programa kung saan itinatampok ang kuwento ng mga overseas Filipino worker.
"May bagong magbabahagi ng mga storya ng ating mga dakilang OFWs. And as a way to welcome him, our team prepared a special surprise on his first day of taping for the show. Talagang naka-tadhana ito para sa akin ay este bilang isang Tadhana host!," saad ni Marian sa kaniyang post.
Sa video naman na naka-post sa Youtube channel na "The Dantes Squad," ipinakita na ang taong tinutukoy ni Marian na kaniyang sosorpresahin at hahalili sa kaniya sa "Tadhana" ay ang kaniyang mister na si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.
Matatandaan na minsan na rin nag-direk si Dingdong sa "Tadhana" para sa anniversary episode nito kung saan si Marian mismo ang gumanap. --FRJ, GMA News
