Nang ialok sa kaniya ang role bilang macho dancer na si Dante Gulapa para sa "Magpakailanman," sinabi ni Jak Roberto na hindi siya nagdalawang-isip at kaagad niya itong tinanggap.  Inihayag din ng aktor na tumaas ang respeto niya sa mga macho dancer.

Sa kaniyang panayam sa "Talk To Papa" ng Barangay LS 97.1, sinabi ni Jak na matagal na niyang gustong gumawa ang mga challenging role tulad ng buhay ni Dante.

"Nu'ng binigay sa akin ‘yung role, hindi ako nagdalawang-isip na tanggapin dahil bukod sa pagiging sikat ni Dante Gulapa sa social media, matagal ko na gusto gawin ‘yung mga ganitong role na talagang napaka-challenging," sabi ng aktor.

"Hindi lang sa emosyonal kundi pati 'yung sa pisikal na estado. Talagang kailangan mong aralin  ‘yung sayaw, kailangan mong palambutin ‘yung giling mo. Sobrang na-challenge ako," ayon pa kay Jak.

Binanggit ni Jak na tinuruan na siya mismo ni "Big Papa" ng social media ng mga macho dancing moves nito.

"'Yung challenge sa akin doon is hindi man mapantayan, kundi dumikit man lang sa galing ni Dante Gulapa 'yung sayaw niya," anang aktor.

Inihayag din ni Jak na hindi madali ang macho dancing kaya tumaas ang respeto niya sa mga macho dancer.

Bukod kay Jak na gaganap na binatang Dante, kasama rin sa "Magpakainlanman" si John Kenneth Giducos bilang batang Dante, at mismong si Dante para sa kasalukuyang panahon.

Kasama ni Jak si JK nang makapanayam sa "Talk To Papa," at ibinahagi nito na hindi pala marunong magsayaw si Dante noong bata pa.

"Yung lola niya na lang po yung nag-aaruga sa kaniya [noong bata pa si Dante]. Kaya nung nawala yung lola niya grabe yung epekto sa kaniya," kuwento ni JK.

Patuloy naman ni Jak, nang mawala ang mga guardian ni Dante, naligaw na ito ng landas at natuto rin gumamit ng droga.

Mapapanood ang kuwento ng buhay ni Dante sa darating na Sabado sa "Magpakainlaman."

Panoorin ang buong panayam kina Jak at JK sa video na ito.



--FRJ, GMA News