Matapos ang ilang taon na pamamahinga, muling nagbabalik sa telebisyon ang dating child star at "Eat Bulaga" dabarkads na si BJ "Tolits" Forbes.

Bukod sa pagsali noon 2003 sa "That's My Boy" segment ng "Eat Bulaga!," tumatak din sa mga tao ang kaniyang mga linya para sa isang commercial brand.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing mapapanood si BJ sa Kapuso epic primetime series na "Sahaya."

Ayon kay BJ hindi na siya nagdalawang-isip na tanggapin ang proyektong "Sahaya" kung saan makakatrabaho niya ang kapwa dating childstar at matalik na kaibigang na si Miguel Tanfelix.

Tulad sa tunay na buhay, matalik na kaibigan ng role ni Miguel ang karakter na gagampanan ni BJ.

Pero kuwento niya, hindi na siya nagtanong kung ano ang role niya sa "Sahaya" at gaano katagal nang alukin siya na makakasama sa serye, na napakaganda umano ng istorya at napapanahon pa.

Nais din umano ni BJ na makatulong para ipahahatid sa publiko ang kultura ng mga Badjao.

Maliban sa pag-arte sa telebisyon, aktibo rin si BJ sa teatro, at kasalukuyan din siyang nag-aaral ng computer science, at SK president sa kaniyang barangay sa Rizal.-- FRJ, GMA News