Inalmahan ng management ng Pinoy rapper na si Shanti Dope ang panawagan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na itigil ang pagpapatugtog at pag-promote ng awitin nitong "Amatz" dahil naghihikayat umano na gumamit ng iligal na droga.

READ: Kantang ‘Amatz’ ni Shanti Dope, gustong ipa-ban ng PDEA

Sa isang pahayag nitong Huwebes, iginiit ng kampo ni Shanti na dapat sinuri ng PDEA ang buong mensahe ng awitin sa halip na piliin lamang ang ilang bahagi ng kanta.

Giit pa nila, mali ang interpretasyon ng PDEA tungkol sa mensahe ng awitin.

"We enjoin [PDEA] Director [General Aaron] Aquino to listen to the whole song, and not just take a few lines out of context. The song begins with the persona talking about the ill effects, the violence, and dangers of drugs," saad sa pahayag na makikita sa Facebook page ni Shanti.

Sinabi pa sa pahayag na ang hiling na "ban" ng PDEA ay magdudulot ng "dangerous precedent" sa "creative and artistic freedom in the country." -- FRJ, GMA News