Sa simula pa lang, may magaganap na agad na tanggalan sa pagbubukas ng Season 7 ng Kapuso reality artista search na "Starstruck" sa darating na Sabado. Ang council member na si Cherie Gil, may babala sa mga tatawag sa kaniya na "tita."
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ikinuwento ni Dingdong Dantes, na host ng Starstruck mula pa noong season 1, ang mga pagbabago na magaganap sa bagong season sa episode 1 pa lamang.
"'Yung impact na sa umpisa pa lang may tanggalan na kaagad kasi 'yun 'yung inaabangan at the end of the week, 'di ba nu'ng mga nakaraang seasons," ani Dingdong.
Magiging co-host ni Kapuso Primetime King si Starstruck First Ultimate Female Survivor Jennylyn Mercado sa unang pagkakataon.
Nasubaybayan aniya ni Dingdong ang paglago ng career ni Jennylyn mula nang manalo 15 taon ang nakalipas.
"Marami nang nangyari, marami nang mga survivors ang nasundan natin ang buhay nila nakita na natin how their stars have shone and mas marami pa tayong susubaybayan ngayon," ayon pa kay Dingdong.
Si Kyline Alcantara naman ang magbibigay ng updates online sa mga nangyayari behind the scenes sa mga hopefuls sa "Inside Starstruck."
"'Yung mga hindi natin nakikita on TV. May mga chismis, intrigas mga kulitan nila, kung paano sila magre-rehearse. Kumbaga behind the scenes po talaga," ani Kyline.
Mula sa top 22, malalagas agad ang mga hopeful para pumili ng final 14, na isang mahirap na task na gagawin nina na Heart Evangelista, Jose Manalo, at Cherie Gil.
"It's a good mix in a special way, at the end of the whole thing parang lahat kami nagkakasundo kung sino 'yung pipiliin," sabi ni Heart.
"Maganda ang aming rapport sa isa't isa and we don't have to agree with each other all the time, we agree to disagree," ayon naman kay Cherie.
Dapat ding abangan ang mga komento ng council members na may halo ng fierce, funny at sweet bukod pa sa artista challenges.
"Siya (Cherie) 'yung medyo direct to the point 'pag nagsalita. Ako 'yung medyo umaalalay para pakalmahin sila at kung kailangan nila ng mga advise," ayon kay Jose.
"Therapy, ako 'yung therapy after," para naman kay Heart.
Sa teaser ng "Starstruck," nagbabala si Cherie sa mga kalahok na huwag siyang tatawaging "tita."
Nang tanungin kung ano ang gagawin niya sa mga tatawag sa kaniya na tita, sabi ng batikang aktres: "Tse!" --FRJ, GMA News
