Pumasok na rin sa showbiz si Joaquin "J.D." Domagoso, anak ni Manila Mayor-elect Isko Moreno, na mapapanood sa GMA show na "Studio 7."
Ang 17-anyos na si J.D. ang gitna sa tatlong anak ni Isko, ayon sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.
Sa pagsisimula niya sa showbiz, makikita ang pagiging seryoso ni DJ sa pag-aaral ng kaniyang sayaw para sa "Studio 7."
Determinado raw si J.D. na maipakita ang kaniyang talento sa industriyang nagbigay ng pangalan sa kaniyang ama.
"It's more of like I'm putting effort into this experience and I'm having fun, and then, you know, with more and more projects, I'll be able to do more," ani J.D.
Inihanda raw talaga ni J.D. ang sarili sa pagpasok niya sa showbiz.
"I'm mentally prepared and skillfully, thanks to the workshops," saad niya.
Hindi naman nawawala ang bilin ng ama niya sa dapat niyang gawin ngayong nag-aartista na siya.
"He always says to just listen... Listen to your co-actress or your co-actors... Listen to your manager, of course, you have to listen to him to do well," ayon kay DJ.
Magaan na rin ang pakiramdam ni DJ sa Kapuso stars na kasama niya sa "Studio 7."
Pero nang hingan siya ng komento tungkol sa mga nagsasabi na bagay silang maging magka-love team ni Kyline Alcantara, ang binata, nahiya.
"No comment," natatawa niyang sabi. "Nahihiya ako eh. Si Kyline. She's really... I mean, she's really pretty."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
