Sa programang "Sarap 'Di Ba?", binalikan ng 80s stars na sina Dina Bonnevie at Snooky Serna ang kanilang mga loveteam noon na nauwi sa totohanan kina Vic Sotto at Albert Martinez.

Naging ka-loveteam noon ni Snooky sina Gabby Concepcion, Albert Martinez at Richard Gomez. Si Dina naman, nakatambalan sina Alfie Anido, Bossing Vic at Gary Estrada.

Si Snooky, inaming si Albert Martinez ang kaniyang first love.

"Ito ang aking true love talaga naman. I was 14 when we became boyfriend and girlfriend," sabi ni Snooky.

"Siya ang pinakamatagal kong [on-screen] partner. Nagtagal kami ng three and a half years. Siya talaga ang first boyfriend ko," dagdag pa ni Snooky.

Si Dina, ikinuwentong hindi type noon si Bossing Vic.

"Sa totoo lang, when we did the movie 'Age Doesn't Matter,' hindi ko siya type! Hindi ko siya feel talaga. As in natapos 'yung movie, wala," ani Dina.

Ngunit nagsimula ito nang bigyan siya ni Bossing Vic ng flowers habang nire-record niya ang sikat niyang kanta na 'Bakit Ba Ganiyan?'

"Tandang tanda ko noon, cinema audio, nagre-record na ng 'Bakit Ba Ganiyan?' Talagang basang basa 'yung kili-kili niya, nerbiyos na nerbiyos siya. Tapos binigyan niya ako ng flowers habang nagre-record," pag-alala ni Dina.

Hanggang sa maghayag si Bossing ng intensyon sa kaniya sa kaniyang debut.

"And then all of a sudden magde-debut ako. Tapos sabi niya (Bossing), 'You want a copy of Bakit Ba Ganiyan?' 'Yeah, sure you have to give me one.' 'Who's your date for your debut?' 'None, I don't have a date, me alone lang.' 'Maybe I'll date you?' 'Why?' Sabi kong ganoon," pagkuwento ni Dina.

"'Sige na, let me be your date, tapos I'll give you a copy of Bakit Ba Ganiyan,'" alok pa ni Bossing sa kaniya.

"Dumating, naka-Mercedes Benz na top down. Sabi ng daddy ko, 'Sino 'to?' Mukhang hiniram lang 'yung kotse niya para pumunta dito.' Doon ako na-fall kasi inaapi siya. Tapos nu'ng nakilala ko na rin 'yung real ugali niya, he's nice naman pala. Kasi doon ko nakita na ang tiyaga niya, then he would come to the house, maggigitara siya," kuwento ni Dina.

Walong buwan daw nagtagal ang panliligaw ni Bossing Vic kay Dina.

Gayunman, masaya na sina Snooky at Dina sa kani-kanilang mga buhay. Pitong taon nang kasal si Dina sa asawa niyang si Ilocos Sur first district congressman Deogracias Victor Savellano, samantalang boyfriend ni Snooky si former Bulacan Vice Gov. Mon Villarama.

— Jamil Santos/DVM, GMA News