Sa ika-24 na taong anibersaryo ng longest-running gag show sa bansa na "Bubble Gang," nagbigay ng ilang trivia si Michael V tungkol sa cast ng programa.

Ayon kay Michael V na kilala rin sa tawag na Bitoy, tatlo na lang natitirang original sa programa: siya, si Diego, at si Antonio Aquitania.

Ibinahagi rin ni Bitoy na hindi talaga Myka ang pangalan ni Myka, ang babaeng kulot at morena.

Kuwento ni Bitoy, Marissa ang tunay na pangalan ni Myka.

"Galing 'yung pangalan niya [na Myka] doon sa pagtatanong niya lagi sa direktor namin...kung 'May kailangan po ba kayo?'," paliwanag ni Bitoy.

"Ang nagbinyag sa kaniya niyan ay si Chito Francisco na head writer ng Bubble Gang," dagdag niya.

Ibinahagi rin ni Bitoy na nang gawin niya ang karakter na ginagaya si Gloria Arroyo, hindi umano siya nakaluhod para maging maliit.

"Just to refute, 'nung ginagawa ko 'yung character ni GMA, akala nu'ng iba nakaluhod ako, pero hindi. Hindi ako nakaluhod — naka-squat lang ako," saad niya.

Tungkol sa istorya sa likod ng mga karakter na "Muchas Grasas," o mga taong-grasa na mahilig mag-ingles pero sablay, sinabi ni Bitoy na ang komedyanteng si Rex Navarrette ang nakaisip nito.

"Parang du'n kami nag-capitalize: Anong pwedeng scenario na puwedeng paggamitan nitong linya na 'to — so taong grasa na nagpipilit na mag-English," sabi ni Bitoy.

Sa darating na Nobyembre 15 at 22, mapapanood ang special two-part anniversary episode ng Bubble Gang na pinamagatang "The ScAvengers."-- FRJ, GMA News