Pagdating sa pag-move on, epektibo para kay Jasmine Curtis-Smith na may sinusunod siyang tatlong buwan hanggang isang taon na panahon na pagtutunan ang sarili. Pero ang kaniyang "Cara X Jagger" leading man na si Ruru Madrid, hindi nagtatakda ng panahon.

Sa bloggers' conference ng "Cara X Jagger" nitong Martes, natanong sina Jasmine at Ruru kung gaano sila katagal mag-move on.

 

 

"Ako, sa totoo lang, hindi ko alam kung gaano katagal, pero masasabi ko na matagal. Sometimes may mga bagay nga na maituturing ko na kailanman hinding hindi na mawawala 'yon. 'Yon yung tinatawag na constant love," sabi ni Ruru.

"'Yung tipong love mo pa rin siya kasi nandiyan siya, or love mo pa rin siya kahit na wala na siya. Kasi nga you always care for her, and kung ano pa mang mangyari sa kaniya nandiyan ka pa rin para sa kaniya," dagdag niya.

Pero aminado siyang mahirap mag-move at maaari raw matuto nito kung panonoorin ang pelikula nila ni Jasmine.

Si Jasmine, maraming beses na raw nag-move on, hindi lang sa relasyon kundi sa iba pang aspeto ng buhay.

"Iba't iba 'yung pinag-move on ko eh. Meron 'yung long-term relationship, meron 'yung tinry (try) kong dinate (date) tapos hinabol ko. 'Yung mga ganu'n, so iba-iba. Depende sa investment mo sa tao," sabi ng aktres.

"Ako, when it comes to relationship na matagal, 'yung tipong more than one year, siguro a whole year is just enough para lang may space ako na, kung mapaaga man 'yung pag-move on ko then at least 'di ba, nabigay ko 'yung one year na 'yun, na pagdaanan ko lang 'to," dagdag ng aktres.

Inihayag ni Jasmine na sinunod niya ang three-month rule sa pag-move on.

"Ang totoong binigay kong deadline ko sa sarili ko nu'n was three months. Oo, three-month rule ako. Sa three-month rule na 'yon, inatupag ko 'yung 21st birthday ko. Gusto ko, ako 'yung I was at my fittest level, I was my healthiest. So kumbaga nabigyan ko kasi agad ang sarili ko ng goal, para although it's painful and although I'm moving on, I'm also starting to focus on something that's good for me na goal. Kasi 'yung pinaka-goal, sometimes nafo-forget mo 'yung pain. So 'yun, three months to one year," anang aktres.

Naiba si Ruru, na tila mayroon ding pinaghuhugutan.

"Kaya lang masakit 'yun 'pag nag-set kayo ng three-month rule lalo na pagka hindi natutupad. So it's better na wala nang mga ganiyan," sabi ni Ruru.

Kaya payo ni Ruru, isipin na lang na para sa ikabubuti ng iyong partner ang pag-let go para hindi masyadong maging masakit ang mag-"goodbye.

"Siguro isipin mo na lang na sometimes may mga tao na, kunwari sa isang relationship with them, may mga bagay na para talaga masabing mahal mo siya, it doesn't mean na kailangan habambuhay siyang nasa 'yo. Sometimes kailangan mo siyang hayaan na mag-grow na sarili niya, sometimes kailangan mong hayaan na makawala siya sa 'yo para mas matuto siya sa sarili niya," paliwanag ni Ruru.

"'Yun na lang siguro 'yung maituturing kong, para hindi masyadong masakit na goodbye, 'yung magpapaalam ka sa kaniya pero mahal mo pa rin siya at para sa kaniya 'yun," dagdag pa ng aktor.

Hindi aniya madali ang mga paalam para kay Jasmine.

"Paano mapadali ang mga goodbyes? Hayaan mong ma-process mo siya, kasi hindi naman siya ever talagang magiging madali. But the only way na matutulungan mo 'yung self mo para mas maging magaan or madali siya, siguro is 'yung bibigyan mo lang 'yung sarili mo ng space na pagdaanan mo 'yun, 'yung goodbye na 'yun. Kasi the more na ihinto mo 'yun, the more na mas magiging masakit siya for you," saad ng aktres.

"Tapos eventually kung gusto mo ulit harapin 'yung ginoodbye mo for a final goodbye, ipag-pray mo," payo pa ni Jasmine.

Napatanong naman si Ruru, "Teka, bakit final goodbye?"

"Kasi final goodbye for the love that you guys, for that being in love. Kasi baka the love will never fade, that's what will make it hurt always. But 'yung lagi kang in pain na iiyakan mo siya gabi-gabi, kailangan ng final goodbye doon, para hindi na gabi-gabing umiiyak. 'Di ba? 'Yun ang ginawa ko," sagot ni Jasmine.

"Pero paano 'pag na-realize mo na siya pa rin talaga? Paano?" tanong ulit ni Ruru.

"Eh 'di 'yun, baka sa final goodbye niyo magkaaminan ulit, tapos baka puwede niyong pag-usapan. Baka puwedeng hindi pa pala final goodbye, baka merong one last try, one more chance, a second chance," tugon ni Jasmine.

Magkatambal sina Jasmine at Ruru bilang sina Cara at Jagger sa kanilang pelikula. Nagkaroon ng pag-iibigan kina Cara at Jagger, ngunit nagbago ang lahat nang dahil sa isang insidente.

Si Jagger, pilit aalalahanin ang mga pinagsamahan nila ni Cara na nalimutan niya samantalang si Cara, pilit lilimutin ang mga ala-alang sobra niyang natatandaan.

Napapanood na sa mga sinehan ang "Cara X Jagger."-- FRJ, GMA News