Aminado ang beteranang aktres na si Nova Villa na hindi niya maiwasan kung minsan na i-spoil ang kaniyang mga apo. Pero payo niya, dapat may hangganan din ang pagbibigay sa mga apo lalo na kung babangga na ito sa paraan ng pagpapalaki ng mga magulang ng bata.

Sa programang "Mars Pa More," sinabi ni Nova na tila mayroon kakaibang nararamdaman ang mga lola at lolo pagdating sa mga apo na hindi nila basta makatanggi kapag may hiniling sa kanila.

"Meron...probably sabihin natin, hindi ma-explain, it's a phenomenon. Iba nu'ng may anak ka, siyempre instinct of a mother, how you care for your child. Pero na-notice ko, bakit ganu'n na lang, lahat na lang ng sabihin nito (apo), 'Okay let's go! Let's go to [the grocery]!" anang aktres.

"There is something sa apo, totoo 'yun," dagdag pa ni Nova.

Para kay Nova, mahalaga rin ang pagtuturo ng tamang pagdidisiplina para hindi mawawala ang "values" ng isang bata.

Dagdag naman ni Nova, may pagkakataon din na nasasaktan ang kaniyang damdamin noong dinidisiplina niya ang kaniyang anak.

"Meron ba kayo na-notice, 'pag dumidisiplina ka, ikaw rin ang nasasaktan. Dinisiplina ko 'yung anak ko, alam mo, nagkulong ako sa banyo. Iyak ako nang iyak... Pero tiniis mo dahil kailangan eh, 'yung gano'n. Pero ang sakit-sakit," paliwanag niya.

Ayon kay Nova, kailangang mag-usap ang mga magulang at mga lolo at lola tungkol sa pag-spoil ng mga apo.

"Kasi nagte-tresspassing ka na rin eh. Mahirap din 'yung role na 'yun ha. Siyempre ikaw anak, parang ang hirap pagsabihan ang nanay mo at tatay mo. Mga sensitive na, may edad na. Sila naman, 'Bakit pinagkakait niyo sa amin 'yung apo ko.' Ipipilit naman nila 'yun.'"

"Sa ikabubuti naman ng bata 'yun, values ang itinuturo natin," sabi ni Nova.


--Jamil Santos/FRJ, GMA News