Naging trending online ang kauna-unahang pagbisita ni Kisses Delavin sa "Eat Bulaga" nang sumabak siya sa kinahuhumalingan ngayong game show ng programa na "Bawal ang Judgemental." Kasabay nito, inihayag din ni Kisses kung sino ang kaniyang Kapuso idol.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing mainit na sinalubong si Kisses ng "EB" Dabarkads. Hindi na agad napigilan ni Kisses ang mga halakhakan moments onstage kasama sina Bossing Vic Sotto, Joey de Leon,Wally Bayola at iba pa.

Hindi malimutan ni Kisses ang warm welcome sa kaniya ni Maine Mendoza.

"Pagdating ko po, kasi siyempre iniisip ko po paano po kaya ako tatanggapin ng mga dabarkads, sana masaya silang makita ako... si ate Maine po nakita ko po siya backstage and niyakap niya po ako. And then niyakap din po ako ni Ryzza Mae, sobrang cute niya po," sabi ni Kisses.

Bukod kay Kisses, nag-trend din online ang noontime show na “Eat Bulaga," segment na “Bawal Judgemental,” pati na si Maine.

Samantala, hindi lang palangiti at bubbly si Kisses dahil certified dog lover din siya.

Kahit nga sa trabaho o taping, bitbit ni Kisses ang kaniyang Pomeranian dog na si Kurby.

"Ang aso ko po, binigay po siya ng supporter ko. Nagmo-mall show po ako tapos po biglang lumapit sa akin 'yung supporter ko tapos binigyan po ako ng aso. Sobrang masaya po ako," ani Kisses

Excited at game daw si Kisses sa lahat ng projects at challenges na darating sa kaniya ngayong nalalapit na ang 2020.

Inihayag ni Kisses kung sino ang kaniyang idol na artista.

"Ate Marian Rivera. Tingin ko po napakabuti ng puso niya at saka magaling po siya sa acting, at napakaganda niya po at saka nakuha niya po 'yung mga puso ng mga Kapuso," saad ni Kisses.--Jamil Santos/FRJ, GMA News