Nagpiyansa umano para makaiwas sa pag-aresto ang singer na si Yeng Constantino kaugnay ng reklamong cyber libel na isinampa laban sa kaniya ng isang duktor sa Dapa, Surigao del Norte.
Ayon sa ulat ni Arniel C. Serato sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Biyernes, ang duktora na si Esterlina Tan ang nagsampa ng reklamo laban kay Yeng dahil sa paglabag umano ng mang-aawit sa R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) in relation to Article 355 ng Revised Penal Code.
Ikinagulat umano ng kampo ni Yeng ang balita dahil wala raw itong kaalam-alam na may reklamong naisampa laban sa kanya sa Surigao del Norte.
Itinakda ni Presiding Judge Cesar B. Bordalba ng RTC Branch 31 ang piyansa sa halagang P30,000.
Ayon sa ulat, hiningan ng PEP.ph ng update sa abogado ni Yeng na si Atty. Joji Alonso.
Sinabi naman ni Alonso, na nakapagpiyansa na sila para maiwasan ang pag-aresto kay Yeng.
“Our client Ms Yeng Constantino-Asuncion has posted bail and an Order approving the same has just been signed,” mensahe ng abogado.
Iginiit din nilang clueless ang kanilang kliyente tungkol sa kasong kinahaharap nito.
Ani Atty. Alonso: “We reiterate that our client has yet to receive a copy of the complaint filed before the Provincial Prosecutor's Office of Surigao del Norte, for the alleged violation of Sec 4 (c) (4) of RA 10175 in relation to Article 355 of the Revised Penal Code or 'cyber libel.'
“We shall be addressing the charges in the coming days.”
Ang reklamo ay nag-ugat noong July 2019, nang magkaroon ng hindi magandang karanasan ang ang asawa ni Yeng na si Yan Asuncion habang nagbabakasyon sila sa Siargao, Surigao del Norte.
Nadisgrasya si Yan matapos itong mag-cliff diving sa isang lagoon sa pamosong surfing destination ng bansa. Dahil sa insidente, nagkaroon umano ng temporary memory loss ang mister ni Yeng.
Isinugod ni Yeng ang asawa sa pinakamalapit na ospital doon pero, ayon sa singer, parang wala raw sa "hulog" ang attending physician nitong si Dr. Esterlina Tan ng Dapa Siargao Hospital.
Sa kanyang YouTube vlog, nagbitiw ng hindi magagandang salita ang singer laban sa doktora. Hindi ito nagustuhan ng maraming netizens dahil sa anila'y "doctor shaming. "
Humingi ng dispensa si Yeng sa doktora, ngunit hindi ito tinanggap ng Philippine Medical Association (PMA), ang grupo ng mga doktor na kinabibilangan ni Dr. Tan.
Hanggang sa lumabas na ang warrant of arrest laban kay Yeng.
Ayon pa sa ulat, sinikap ng PEP.ph na makahingi ng panayam kay Dr. Tan, ngunit sinabi umano ng isang malapit sa kanya, na ayaw muna nitong magsalita dahil ongoing pa ang kaso. (For the full story, visit PEP.ph) --FRJ, GMA News
