Isa malaking problema ngayon ng mga magulang ay kung papaano lilimitahan ang kanilang mga anak sa paggugol ng labis na oras sa gadgets. Ang mga batang Kapuso star, nagbigay ng kanilang pananaw.

Sa "Payong Paslit Po" segment ng GMA News "Unang Hirit" nitong Miyerkules, inilahad nina Leanne Bautista, Yuan "Paopao" Francisco at Angelica Ulip ang tips sa mga magulang.

Ayon kay Leanne, limitahan lamang pero hindi dapat lubos na pagbawalan ang mga anak sa paggamit ng gadgets. Aniya mayroon mga social game tulad ng Massively Multiplayer Online (MMO), Multiplayer online battle arena (MOBA), na magagamit para makakonekta sa pamilya at mga kaibigan ang bata.

Ngunit mahalaga raw na ipaliwanag ng mga magulang sa mga anak ang mga negatibong epekto ng paglalaro ng online games.

Sang-ayon si Pao sa paglimita ng paggamit ng gadget at computer games dahil nakasisira raw ito ng mata at hindi maka-focus ang bata sa pag-aaral.

Pero hindi raw dapat kalimutan na ipaliwanag ng mga magulang sa kanilang anak kung bakit nila nais limitahan ang paggamit ng gadgets ng mga bata.

Dagdag naman ni Angelica, bukod sa nakakaapekto sa pag-aaral ang labis na paggamit ng gadgets, nababawasan din ang bonding time ng anak at mga magulang.

Napupuyat din daw ang mga bata kaya tinatanghali ang gising at nale-late sa school.

Pero binigyan-diin din ni Angelica na may mga aralin na hindi makikita sa libro at sa internet lang makikita kaya mahalaga pa rin ang gadgets. --FRJ, GMA News