Puno man ng hugot at lungkot ang kaniyang bagong single na "Kahit Kailan," iba naman ang nararamdaman ni Bianca Umali sa tunay na estado ngayon ng kaniyang buhay.
Tungkol ang "Kahit Kailan" sa isang tao na umaasa na mamahalin siya ng kaniyang nagugustuhan, pero hindi pa ito nakalilimot sa sugat ng nakaraan.
Natanong si Bianca kung kanino niya dine-dedicate ang kanta.
"Dine-dedicate ko siya para sa mga may hugot sa buhay, sa mga nagmamahal pero pakiramdam nila hindi nakikita 'yung pagmamahal nila. 'Yung mga na-fall pero hindi na-achieve, hindi na-follow-up," sabi ni Bianca sa panayam sa kaniya ng GMA News Online kamakailan.
Gayunman, inilahad ng aktres na iba ang kaniyang nararamdaman sa kasalukuyan, na iba sa damdamin ng kanta.
"Very different 'yung state of mind ko in real life compared sa song. So 'yung song, it's just a story that I tell. But nothing connected sa song ang pinagdadaanan ko," ani Bianca.
Nauna nang inihayag ng aktres na masaya siya sa personal niyang buhay at career ngayon.
"Kung ano 'yung napi-feel ko ngayon, sobrang ang sarap mabuhay. Ganoon ka-happy, ganoon ka-fulfilled, ganoong ka-content," sabi ni Bianca.
Inilahad din ni Bianca ang real score sa kanila ni Ruru Madrid, na nali-link sa kaniya. "Happy ako, iyon lang po 'yung sasabihin ko. Basta happy ako, happy siya, happy kami."
Espesyal daw ang kanta para kay Bianca dahil isinulat ito ni Paco Arespacochaga ng INTRoVOYS.
Nagpasalamat si Bianca sa oportunidad na ibinigay sa kaniya ng GMA Music.
Natanong si Bianca kung ano ang plano niya para sa susunod niyang single.
"Siguro 'yung next ko, acoustic. Kasi ito medyo may banda pa eh, pero 'yung next ko acoustic."-- FRJ, GMA News
