Nag-self quarantine ang Kapuso actor na si Ken Chan dahil nakatrabaho niya sa isang proyekto noong Marso ang nagpositibo sa COVID-19 na si Sylvia Sanchez. Pagtatapat ni Ken, may nararamdaman siyang ilang sintomas ng sakit.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” noong Huwebes, sabi ni Ken na nangangamba siya dahil nakararanas na siya ng ilang sintomas tulad ng pag-ubo.

READ: Aktres na si Sylvia Sanchez at kaniyang mister, nagpositibo sa COVID-19

“Kasi ako po nakakaranas ako ngayon ng dry cough tapos may mga fatigue din akong nararamdaman pero ‘di naman ako nilalagnat,” sabi ni Ken na aminadong hindi maiwasan na mapraning.

Ngunit kahit na kaunting sintomas pa lang ang kaniyang nararamdaman, kinakabahan pa rin daw ang aktor kaya pinayuhan siya na ‘wag na munang lumabas ng kaniyang kuwarto at manatili sa loob ng bahay.

Dagdag pa niya, marami rin siyang nakasalamukha sa ilang proyekto bago pa magdeklara ng enhanced community quarantine ang gobyerno.

“‘Di pa ako sigurado kung ano mangyayari sa akin pero kung anuman po ang mangyari, ready naman po kam, nakapagplano naman kami kung ano gagawin namin,” saad niya habang inoobserbahan ang sarili.

Kasabay nito, nalulungkot naman si Ken nang malaman niyang nagpositibo sa COVID-19 ang kaniyang kabigang si Sylvia at ang asawa nitong si Art Atayde.

“Tinext ko na po ‘yong daughter nila na si Ria and sabi naman po nila na mabuti naman po sila hindi po sila naapektuhan, yung mga anak po nila hindi naapektuhan ng COVID-19.  Ngayon po patuloy silang nagpapagaling,” sabi niya.

Ibinahagi rin ni Ken na may mga kamag-anak siyang frontliners sa Pilipinas at Amerika kaya hindi niya napigilang maiyak sa kaniyang Facebook session na HealingHearts nang magsagawa siya ng panalangin. --Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News