Nag-repack at naghanda ang pamilya Legaspi ng relief goods bilang tulong nila sa mga nangangailangan habang umiiral pa rin ang enhanced community quarantine sa Luzon.

Sa Instagram ng kanilang padre de pamilya na si Zoren, makikita na sama-sama silang nag-repack at nag-ayos ng mga ipamamahaging tulong.

"Doing our part @mina_villarroel @cassy @mavylegaspi thank you for you effort and support para sa mga nanganga-ilangan #toGodbetheGlory Salamat sa DIOS #lockdown2020" caption ni Zoren.

 

 

Marami na ring Kapuso stars ang tumulong sa medical frontliners at iba pang mga nangangailangan ngayong patuloy na nahaharap sa krisis ang bansa dahil sa COVID-19.

Inorganisa ng GMA Network ang #HealingHearts kung saan nag-live ang Kapuso artists sa kanilang Facebook pages, at nagbigay ng inspirational messages at awit.

Layon nitong makakalap ng donasyon para sa mga nangangailangan ng tulong, lalo ang mga medical frontliner na nahaharap ang buhay sa panganib.

Bukod dito, may kaniya-kaniya ring relief efforts na ginagawa ang iba pang Kapuso stars.

Sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, ipinagluto ang frontliners sa isang ospital sa Quezon City ng menudo, at naghatid din si Alden Richards ng mga pagkain sa frontliners sa Binan, Laguna.

Personal na tinutulungan ni Heart Evangelista ang mga lubos na nangangailangan na kaniyang Twitter followers, samantalang nakalikom ng higit P500,000 si Maine Mendoza para sa mga mahihirap na pamilya.

Binuo nina Juancho Trivino, Thea Tolentino at Mikoy Morales ang kanilang non-profit group na Relieve PH, para makatulong sa mga ospital na nangangailangan ng mga Personal Protective Equipment (PPE), na gamit ng mga medical frontliner na humaharap sa COVID-19.

Nanawagan ang Kapuso actress na si Shaira Diaz sa mga nais magkaloob ng kontribusyon para sa mga medical frontliner na humaharap sa laban kontra COVID-19.--FRJ, GMA News