Dalawang GMA Public Affairs program ang nagwagi sa prestihiyosong New York Festivals “World’s Best TV and Films” Competition ngayon taon. Bukod dito, pitong programa naman ang tumanggap ng finalist certificates.
Umani ng Silver World Medal para sa Best Investigative Report category ang “Babies4Sale.PH” episode ng The Atom Araullo Specials.
Sa naturang dokyumentaryo, tinalakay ni Atom ang nakaalarmang transaksyon sa social media tungkol sa mga sanggol na umano'y pinapaampon.
Noong nakaraang taon, nanalo ng Best Documentary Programme (one-off) sa Asian Academy Creative Awards, at tumanggap ng “highly commended” plaque mula sa Association of International Broadcasters (AIB) Awards sa London ang “Babies4Sale.PH.”
Samantala, nag-uwi naman ng Bronze World Medal para sa History & Society category ang “Aeta Squadron/Female Spies” episode ng programang "Brigada," ang news magazine program ng GMA News TV na host si Kara David.
Sa naturang dokyumentaryo, binalikan ang naging kontribusyon ng Aeta Squadron 30, sa pagtatanggol sa Pilipinas at pagtulong sa tropang Amerikano noong World War II.
Pero sa kabila ng kanilang ginawa, tila hindi nabigyan ng pagkilala at pagpapahalaga ang sakripisyo ng mga magigiting na Aeta, na hindi nakatanggap ng military pension.
Tumanggap naman ng finalist certificates ngayon taon ang Reporter’s Notebook (Social Issues category for its “Project Pilipinas: Medical Facility” episode); “Luzon Earthquake” coverage of GMA News TV’s flagship newscast State of the Nation (SONA) with Jessica Soho (Best Newscast category); “The Atom Araullo Specials: The Patient is Out (Human Concerns category); Born To Be Wild’s two-part special “Big Catch” (Climate Change & Sustainability category); Investigative Documentaries’ “Tulaylay” episode (Social Issues category); at ang Stand for Truth’s reportage on the Hong Kong protests (Coverage of Continuing News Story category).
Ito ang kauna-unang awards nomination ng Stand for Truth, na nanguna sa mobile newscast sa Pilipinas.
Kasama sa mga finalist ang GMA Program Support Department’s TV spot para sa Bonifacio Day na nag-uwi ng finalist certificate para sa Best Graphic Design sa ilalim ng Promotion/Open and IDs category.
Itinakda pero ipinagpaliban dahil sa COVID-19 pendemic ang awarding ceremonies ng festival nitong April 21 sa Las Vegas, USA.--FRJ, GMA News
